ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | August 19, 2020
Isang kalahok ang nakumpirmang positibo sa COVID-19 habang humaba na naman ang listahan ng mga ayaw nang humawak ng raketa sa makasaysayang U.S. Open dahil pa rin sa patuloy na pananalasa ng nakamamatay na coronavirus.
Dinapuan na ng virus si Kei Noshikori matapos ilabas ang resulta ng isang pagsusulit sa world no. 31 at olympic bronze medalist mula sa Japan. Paalis na ang Hapones sa kanyang tinitirhan sa Florida nang mabatid ang resulta. Sinabi niyang maganda naman ang kanyang pakiramdam bagamat nagpasya nang sumalang sa isoloation sa ngayon ang dating US Open runner-up.
Nakatakda itong sumabak sa isa pang pagsusuri bago matapos ang linggong ito. Depende sa resulta, maari pa itong magbago ng desisyon.
Samantala, anim na makikinang na mga pangalan sa women’s division ay nagpasyang huwag nang sumugal sa kompetisyong magsisimula sa huling araw ng buwang kasalukuyan.
Hindi na masasaksihan ang mga hampas sa bola nina defending champion Bianca Andreescu ng Canada, world no. 2 Simona Halep, 2019 semifinalist Belinda Bencic, Ukrainian Elina Svitolina, Netherlands ace Kiki Bertens at top Australian tennister Ashleigh Barty sa Flushing Meadows.
Ang Billy Jean King Tennis Center na dating pinagdarausan ng torneo ay minsan nang ginawang pagamutan para sa mga apektado ng pandemya.
Kagaya ni Andreescu, wala na rin sa eksena ng grandslam event na ito si 2019 king Rafael Nadal at natirang pa or ito para mamayagpag sa kalalakihan si Novak Djokovic.
Comments