ni Lolet Abania | June 24, 2021
Papayagan na ng pamahalaan ang mga US citizens na nag-expire ang passport noon o pagkatapos ng Enero 1, 2020 na makaalis ng Pilipinas.
Sa inilabas na pahayag ng Bureau of Immigration (BI) ngayong Huwebes, nagbigay ng direktiba si Commissioner Jaime Morente sa lahat ng BI personnel na payagan nang makaalis ng bansa ang mga pasahero na may mga expired passports mula Enero 1 ng nakaraang taon at mag-e-expire pa lang nang hanggang Disyembre 31, 2021.
Gayunman, diin ni Morente, ang paggamit ng expired passports ay papayagan lamang hanggang Disyembre 31, 2021.
“But this rule applies only to departing passengers. Those who are planning to remain here or convert their visas still need to present a valid passport,” ani Morente.
Inatasan din ni Morente ang tourist visa section at alien registration division ng ahensiya na iproseso ang lahat ng aplikasyon para sa pag-update ng pananatili at emigration clearance certificates (ECC) ng mga may-ari ng expired US passports sa ipiprisintang kumpirmadong tiket patungo sa Estados Unidos.
Ginawa ng BI ang naturang desisyon matapos na ipaalam ng US Embassy sa bureau ang tungkol sa mga US citizens na stranded na sa Pilipinas sanhi ng COVID-19 pandemic, habang hindi nila magawang makaalis sa bansa dahil sa kanilang expired passports.
Ayon pa sa BI, sinabi ng US Embassy na nag-isyu rin ang US State Department ng guidance upang payagan ang mga Americans na makabalik na sa kanilang bansa gamit ang expired passport, sa limitadong paraan, hanggang sa matapos ang taon.
Comments