ni Ka Ambo @Bistado | Jan. 24, 2025
Lumagda si US President Donald Trump ng kautusan na nagdedeklara na dalawang kasarian lamang ng tao ang kikilalanin ng gobyerno ng United States -- lalaki at babae lamang!
Iyan mismo ang kahulugan ng political will.
-----$$$--
KAHIT may malaking bulto ng populasyon na kontra sa ganitong prinsipyo, pinanindigan pa rin ni Trump kung alin ang tama batay sa kanyang paniniwala.
Iyan naman ang tinatawag na kumbiksiyon.
-----$$$--
ANG diskarteng ito ni Trump ang maghahatid sa kanyang kadakilaan at magmamarka sa kasaysayan.
Iyan din mismo ang tunay na dahilan kung bakit siya dalawang beses na ibinoto ng mga tao sa pinakamakapangyarihan bansa sa daigdig.
----$$$--
MALINAW na hindi tinatablan si Trump ng propaganda sa media at hindi siya natatakot sa panduduro o pananakot ng kanyang mga kalaban.
Bibihira lamang ang lider na may ganyang katangian.
----$$$--
HINDI nagmula sa hanay ng mga batikang pulitiko si Trump, bagkus ay hinugot siya ng kapalaran mula sa pribadong sektor.
Malinaw na tinalo ni Trump ang tradisyunal at sinaunang estilo ng pamumulitika.
----$$$--
SA Pilipinas, ‘yan din ang dapat maganap — at sa totoo lang, ang kasabikan ng mga tao na makahulagpos sa tradisyunal na pulitika ang nagtulak kung bakit nagwagi si Digong.
Si Digong at si Trump ay sinasabing halos magkamukha ng estilo.
-----$$$--
HALIMBAWA, sa siyudad ng Parañaque, nauumay na rin ang mga residente sa Distrito Dos sa apelyidong Tambunting.
Wala nang kinang at nais ng mga tao ang bagong mukha na magpapabago ng kanilang buhay.
-----$$$--
BAGAMAN maituturing na dark horse, naglakas loob ang partylist representative na si Brian Raymund Yamsuan na banggain ang pader.
May bahid na pulitika si Gus Tambunting pero si Yamsuan ay may sapat na karanasan bilang mga ayudante nina dating Senador Ed Angara, Rep. Tessie Aquino-Oreta at Ronnie Puno.
----$$$--
NAHASA si Yamsuan bilang dating assistant secretary sa DILG, media officers sa Malacañang at deputy secretary sa Kamara.
Inihahalintulad ang sitwasyon sa naturang distrito sa pagkakasilat ni Mayor Vico Sotto sa makapangyarihang Eusebio clan sa Pasig City.
----$$$--
SA totoo lang, noong 2022 eleksyon, muntik na ring masilat si Tambunting ng isang hindi gaanong kilalang kandidato.
Sa social media, ipinararamdam ng mga netizens ang pagkakaumay o tulad sa pagkain ay nagsasawa sila sa ‘paglamon’ ng karneng baboy.
-----$$$--
UMAASA ang mga mamamayan na masasabay sila sa nagbabagong henerasyon kung saan itinatakwil ang sinaunang pulitika.
Napakahalaga ng pagbabago, at iyan ang inaasam-asam ng mga mamamayan sa ngayon.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comentarios