ni Eli San Miguel - Trainee @News | November 28, 2023
Arestado sa Cebu ang isang Amerikano at isang Briton na parehong may mga kaso sa kanilang mga bansa dahil sa pang-aabuso sa mga bata, ayon sa ulat ng Bureau of Immigration (BI) ngayong Martes.
Sinabi ng ahensya na nahuli ang mga fugitives na sina John Tomas Minor na isang American national at Derek Gordon Heggie na isang British national, sa magkahiwalay na operasyon ng fugitive search unit ng BI noong Lunes.
Sa kahilingan ng mga otoridad ng United States (US) at Britain, naglabas si Commissioner Norman Tansingco ng mga mission order para sa pag-aresto ng dalawang indibidwal, na may kasamang impormasyon ukol sa kanilang criminal record bilang sex offenders.
“They will be deported after our board of commissioners issues the orders for their summary deportation, after which they will be included in our immigration blacklist to prevent them from reentering the country,” sabi ni Tansingco sa isang pahayag.
Binigyang-diin pa ng commissioner na hindi dapat payagan ang mga dayuhan na magtago at gamitin ang Pilipinas upang makaiwas sa mga krimen at kaukulang kaso sa kanilang sariling bansa.
Pansamantalang nakakulong sina Minor at Heggie sa opisina ng bureau sa Mandaue City.
Iniulat ng BI na ililipat ang dalawa sa warden facility ng bureau sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
コメント