ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney Marso 2, 2024
Dear Chief Acosta,
Nais ko lang sanang magtanong kung ano ‘yung tinatawag na mistake in identity? Ano ang epekto nito sa isang krimen? -- Darielle
Dear Darielle,
Ang iyong katanungan ay sinagot ng Korte Suprema sa kasong People of the Philippines vs. Armando Gemoya and Ronilo Tionko, G.R. No. 132633, 04 October 2000, na isinulat ni Kagalang-galang na Kasamahang Mahistrado Jose Armando R. Melo. Dito ay binanggit ng Korte Suprema ang dalawang uri ng mistake in the identity ukol sa biktima; ang “error in personae” at “aberratio ictus”:
“Although Rosalie may not have been their intended victim, accused-appellants, acting in conspiracy with one another as we have earlier discussed, are liable for the consequences of their felonious act (see: Paragraph 1, Article 4, Revised Penal Code). Mistake in the identity of the victim, which may either be (a) “error in personae” (mistake of the person), or (b) “aberratio ictus” (mistake in the blow), is neither exempting nor mitigating (People vs. Gona, 54 Phil. 605 [1930]). Accused-appellants, therefore, cannot escape the criminal liability resulting from the injury suffered by Rosalie.”
Sang-ayon sa Korte Suprema, dalawang uri ang maaaring maging pagkakamali sa pagkakakilanlan ng biktima. Una ay ang tinatawag na “error in personae” at ang ikalawa ay tinatawag na “aberratio ictus”. Ang “error in personae” ay pagkakamali sa taong nagawan ng krimen. Ibig sabihin, ang taong nagawan ng krimen ay iba sa taong inintensyunan o pinagplanuhang gawan ng krimen. Ito ay pagkakamali sa pagkakakilanlan ng tao na inaakalang biktima. Ang “aberratio ictus” naman ay tinatawag din na “mistake in the blow”. Ito ay nangyayari kapag sumobra o humigit sa intensyon gawin ang naging resulta ng krimen. Halimbawa rito ang intensyon na manakit lamang sa pamamagitan ng suntok ngunit ang suntok ay nagdulot ng matinding trauma sa biktima na nagresulta sa kamatayan nito.
Ayon sa Korte Suprema, ang kriminal sa parehas na sitwasyon ay dapat pa rin managot sapagkat siya ay maaaring panagutin sa kinalabasan ng kanilang kriminal na aksyon. Ito ay sang-ayon sa Artikulo 4 ng Revised Penal Code. Pinaparusahan ng batas ang maling intensyon ng paggawa ng krimen kahit na may pagkakamali sa resulta nito tulad ng maling biktima o maling resulta.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Commentaires