@Buti na lang may SSS | May 29, 2022
Dear SSS,
Magandang araw po. Nais ko sanang itanong kung kinakailangan ko bang magpunta sa SSS branch upang i-update ang aking contact details? Salamat. — Selya
SAGOT:
Mabuting araw sa 'yo, Selya!
Malugod naming ibinabalita sa iyo na maaari na muling mag-update contact details ang isang miyembro online simula May 16, 2022. Ito ay para masiguro ang kaligtasan at kaginhawahan ng ating mga miyembro at pensyonado sa gitna ng kasalukuyang pandemya sanhi ng COVID-19.
Selya, ang mga miyembrong gaya mo na mayroong My.SSS account ay maaari nang mag-update o magpalit ng kanilang contact details tulad ng numero sa telepono, mobile number, mailing address, foreign address at e-mail address, nang hindi na kailangan magpunta pa sa anumang sangay ng SSS upang magsumite ng kanilang member data change request.
Sa mga wala pang contact information maliban sa kanilang mobile number, maaari na rin silang mag-update ng kanilang contact details.
Samantala, kung wala namang rehistradong mobile number ang miyembro sa SSS, kinakailangan niyang magsadya sa anumang sangay ng SSS para isumite ang kanilang mobile number sa pamamagitan ng Member Data Change Request Form at mag-set ng appointment sa pamamagitan ng kanilang My.SSS account, o kaya naman mag-walk in batay sa number coding scheme na ipinapatupad ng SSS. Ito ay ang mga sumusunod batay sa last digit ng kanilang SS Numbers:
1-2 ay tuwing Lunes;
3-4 ay tuwing Martes;
5-6 ay tuwing Miyerkules;
7-8 ay tuwing Huwebes;
9-0 ay tuwing Biyernes.
Matatandaang pansamantalang sinuspinde ng SSS ang online updating ng contact details sa My.SSS noong August 3, 2021 upang bigyang daan ang pagpapahusay ng SSS online portal at mapalakas ang security features nito para maprotektahan ang mga confidential na impormasyon ng mga miyembro ng SSS.
Makakapag-update ng contact information sa pamamagitan ng pag-log in sa kanilang My.SSS account at piliin ang “Update Contact Info” na makikita sa ilalim ng “Member Info” menu. Maaari rin silang mag-update o magpalit ng contact numbers, e-mail addresses at mailing addresses, maliban sa kanilang home address, at isumite ito online.
Magpapadala naman ang SSS ng notification sa e-mail at mobile number ng miyembro. Kinakailangan lamang na kumpirmahin ang request sa pamamagitan ng pag-click sa link na ipinadala sa kanilang e-mail address upang i-update ang kanilang contact details.
Samantala, may tatlong araw lamang ang mga miyembro para kumpirmahin ang request dahil awtomatikong mawawalan ng bisa ang link pagkatapos ng nasabing araw at kinakailangang ulitin ang proseso. Matapos kumpirmahin ang request, makikita na ang updated na contact information sa system makalipas ng dalawang araw at ipagbibigay alam ito sa miyembro.
Mahalagang matiyak ng isang miyembro na updated ang kanyang contact information dahil dito ipapadala ng SSS ang anumang mga mensahe at updates mula sa ahensiya.
◘◘◘
Nais naming ipaalam sa ating mga retiree pensioners na ang mga first-time borrowers sa Pension Loan Program (PLP) na simula Mayo 30, 2022 ay maaari ng magsumite ng kanilang aplikasyon online sa pamamagitan ng My.SSS na matatagpuan sa SSS website (www.sss.gov.ph). Kinakailangan lamang na mag-log in ang isang retiree-pensioner sa kanyang My.SSS account at piliin ang E-services sa tab nito at i-click ang “Apply for Pension Loan". Punan ang lahat ng hinihinging impormasyon at isumite ang aplikasyon.
Para sa mga delinquent housing loan borrowers, simula Mayo 25, 2022 ay binuksan ng SSS ang Housing Loan Restructuring and Penalty Condonation Program. Sa ilalim nito, hindi na kailangang bayaran ng miyembro o mga tagapagmana nito ang mga naipong multa o penalties sa hindi nabayarang housing loan. Maaari silang mag-file ng aplikasyon sa SSS Housing and Acquired Asset Management Department na nasa SSS Main Office sa Quezon City at sa Housing and Acquired Asset Management Section ng piling sangay ng SSS sa labas ng Metro Manila. Tatanggap ang SSS ng aplikasyon para dito hanggang Hunyo 30, 2022.
Nais din naming ipaalala sa aming mga pensyonado na kailangan nilang tumugon sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) Program o ang taunang pagrereport ng mga pensyonado sa SSS hanggang Hunyo 30, 2022. Ang mga pensyonado na dapat tumugon sa ACOP ay mga retirement pensioner na naninirahan sa ibang bansa, total disability pensioner, survivor pensioner (death), at dependent (minor/incapacitated) pensioner sa ilalim ng guardianship.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Comments