top of page
Search
BULGAR

Universal Meal Program, para sa malusog na mga mag-aaral

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | September 14, 2023

Ang mga batang “stunted” o ‘yung mga mabagal lumaki dahil sa malnutrisyon ay nanganganib na magkaroon ng nutrition-related chronic diseases.


Mataas din ang tsansa na ang mga batang ito ay magpakita ng mas mababang performance sa kanilang pag-aaral na maaaring makaapekto sa kanilang productivity sa trabaho pagdating ng panahon.


Isa sa ating isinusulong ang pagpapatupad ng isang universal meal program upang masugpo ang mga suliraning kinakaharap ng mga kabataan pagdating sa nutrisyon — kabilang na ang stunting at undernutrition.


Tulad sa ibang bansa, dapat magkaroon din tayo ng ganitong programa para matiyak na may sapat at masustansyang pagkain ang bawat mag-aaral. Bagama’t kakailanganin nito ng malaking pondo, hindi tayo titigil na gumawa ng paraan para maisakatuparan ito.


Base sa datos ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute’s (DOST-FNRI) para sa taong 2021, humigit-kumulang 2.7 milyon o 20% ng mga batang lima hanggang 10 taong gulang ay stunted, humigit-kumulang 2.8 milyon o 21% ang underweight, at isang milyon o pitong porsyento naman ang wasted o magaan para sa kanilang timbang.


Sa ilalim ng pondo ng school-based feeding program (SBFP) para sa kasalukuyang school year, paaabutin na ng 220 days o buong school year ang pagpapatupad ng programa.


Noong mga nagdaang taon kasi ay 120 days lamang ang saklaw ng programa. Ang dating P5 bilyong pondo ng SBFP, ngayon ay umakyat sa P11 bilyon sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) para sa taong 2024, katumbas ng 105% na pag-akyat sa pondo ng programa.


Samantala, balak ng Department of Education (DepEd) na maabot ang 1.6 milyong benepisyaryo mula Kindergarten hanggang Grade 6 para sa susunod na taon. Target din ng DepEd na palawigin ang bilang ng araw ng pagpapatupad ng Milk Feeding Program Component ng SBFP sa 47 hanggang 55.


Base sa pag-aanalisa ng departamento, pare-pareho ang nagiging benepisyaryo ng programa kada taon. Bumabalik daw kasi ang mga bata sa dating estado ng kanilang nutrisyon. Lumalabas na kulang ang 120 na araw na pagtanggap nila ng school meals.


Iniulat din na bumabalik sa pagiging malnourished ang mga mag-aaral na ito pagkagaling nila mula sa bakasyon ng dalawang buwan.


Nakakalungkot dahil maraming bata ang walang sigla dahil sa kakulangan sa masustansyang pagkain. Ang kanilang pisikal na kahinaan ay nagdudulot ng kawalan ng interes sa pag-aaral, hindi pagpasok sa eskwela, pagiging masakitin, kawalan ng ganang makipaglaro sa iba, at marami pang iba.


Hindi matututo ang batang gutom. Kaya naman, dapat tugunan ang mga isyung ito sa murang edad pa lamang. Kailangan natin itong aksyunan upang hindi lalong mapinsala ang kanilang pisikal na kalusugan at estado ng kaisipan.


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page