top of page
Search
BULGAR

Unggoy, kayang-kaya dumiskarte sa anumang panganib

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | March 26, 2022


Sa pagpapatuloy ng Forecast 2022, tatalakayin naman natin ang pangunahing ugali, katangian at kapalaran ng animal sign na Monkey o Unggoy.


Kung ikaw ay isinilang noong 1944, 1956, 1968, 1980, 1992, 2004 at 2016, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Monkey o Unggoy.


Bukod sa pagiging masayahin at mapagbiro, ang Unggoy ay may pagkatuso at saksakan din ng talino, kung saan alam niya kung paano babasahin ang motibo o iniisip ng mga taong nakapaligid sa kanya.


Kaya naman kung pag-iisipan mo ng masama ang Unggoy o pagpaplanuhan mo siya na gawan ng masama, dahil madali niyang nababasa ang masamang motibo ng kanyang kaharap, malabo mo siyang maisahan o mapaglalangan. Dahil bago mo siya maloko, mas mauuna pa siya sa iyo.


At dahil may pagkatuso at matalino ang Unggoy, kung sakali mang maitulak mo siya sa isang patibong o maihulog mo siya sa kumunoy ng mga suliranin at sari-saring problema at mga panganib, habang tinatanaw at pinagtatawanan mo siya, hindi mo alam na pagtalikod mo ay makakatakas o makakaligtas na siya. Ito ay dahil anumang sitwasyon ng buhay o gaanuman kapanganib na pangyayari ang kanyang nasuotan, siguradong makakaisip siya ng ligtas at mahusay na daan at higit pang paraan upang siya ay makatakas at makaahon nang ligtas.


Ganu’n kagaling ang Unggoy, kaya magkaroon man siya ng mabibigat na problema sa buhay, tiyak na siya ay madaling makakarekober at makakamove-on.


Dagdag pa rito, dahil likas na matuwid at makatarungan, mahihirapan ka ring yayain o kumbinsihin ang Unggoy na gumawa ng pagkakamali o kapalpakan. Dahil tulad ng nasabi na, likas sa mga Unggoy ang matuwid at palaging nakasandig sa katarungan at pagkakapantay-pantay. Ibig sabihin, kung nais mong lokohin ang Unggoy na gumawa ng kamalian o hindi makatarungang mga bagay, malabo mo siyang mayaya o makumbinsi sa nasabing mali o lihis sa kabutihang asal na balak mong gawain.


Bagama’t may katalinuhan, sinasabi ring ang Unggoy ay maikli ang pasensya at kapasidad na mag-analisa ng mga problema. Kaya naman hindi tugma sa kanya ang mga bagay na may mahabang isipin. Halimbawa, ang paglalaro ng chess, malabong maging grandmaster o maging dalubhasa ang Unggoy sa nasabing larangan dahil naiinip siya kapag may mahahabang isiping inaanalisa. Kaya kapag nagdesisyon sa buhay ang Unggoy, umasa kang mabilis at agad niya itong ginagawa at ipinapatupad.


Dahil siya ay mainipin, malabo siyang makinig sa kanyang mga kaibigan o mahal sa buhay na nagkukuwento ng mahahaba at kung anu-anong problema dahil nababagot siyang pakinggan ito.


Isang halimbawa nito, mangungutang ka o hihingi ng pera sa Unggoy, hindi mo na siya dapat pang dramahan at kuwentuhan ng kung anu-anong pasakalye, gayung mangungutang ka lang naman ay malabo ka niyang mapagbigyan. Mas gusto ng Unggoy ang usapang mabilis at direct to the point. Ibig sabihin, ang mas tamang diskarte ay sabihin mo agad ang iyong sadya o pakay nang sa gayun ay mapagbigyan ka niya dahil ang totoo nito, walang tiyaga ang Unggoy na makinig sa mahahabang kuwento na wala namang kabuluhan.


Ganundin sa pakikipagrelasyon, kung ikaw ay may girlfriend, boyfriend, kapareha o asawang Unggoy, hindi siya nangangailangan pa ng madetalye at mahabang kuwento.


Sa halip, ang mas gusto pa niya ay magkasama lang kayong dalawa, magkahawak kamay na nakasandal sa pader at habang pinagmamasdan ang mga berdeng damuhan sa parke ay sapat na sa isang Unggoy upang lalong uminit at sumigla ang inyong pagmamahalan habambuhay.


Itutuloy


Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page