ni Lolet Abania | December 6, 2021
Nakapagtala ng unang kaso ng Omicron COVID-19 variant sa Argentina, ayon sa health ministry ng nasabing bansa sa South America.
Ang 38-anyos na pasahero ay residente ng western Argentine province ng San Luis, na dumating sa naturang bansa nitong Nobyembre 30 mula sa South Africa sakay ng flight via ng United States at isinailalim sa isolation simula rin noon.
Magugunitang ang Omicron variant ay nagdulot ng takot sa global markets habang muling ibinalik ang mga border restrictions sa mga bansa. Nakasama na rin ang Argentina sa Brazil, Mexico at Chile sa listahan ng mga bansa sa Latin America na may mga na-detect na kaso ng bagong variant.
Ayon sa ministry, ang pasyente na fully vaccinated ay nagbigay ng negative PCR test bago pa ang kanyang pagbiyahe at isa pang negative antigen test nang dumating naman ito sa Buenos Aires.
Ang pasyente ay tinest ulit matapos na ang kanyang kasamahan sa isang work event sa South Africa ay nagpositibo sa test sa COVID-19.
“The epidemiological objective currently is to contain and delay the possible community transmission of new variants of concern,” pahayag ng ministry.
Sinabi pa ng ministry, ang pasyente ay nagkaroon ng close contact sa apat na indibidwal na nasa isolation na rin ngayon, subalit wala ang mga itong sintomas at ang kanilang PCR tests ay negatibo ang resulta. Lahat sila ay sasailalim sa isa pang PCR test matapos ang kanilang isolation period.
Samantala, na-detect na rin ang unang dalawang kaso ng Omicron COVID-19 variant sa Nepal, ayon sa health ministry ng bansa.
Sa inilabas na statement ng ministry, ang 66-anyos na foreigner ay dumating sa Nepal mula sa bansang may nakumpirmang Omicron variant noong Nobyembre 19.
Habang ang isa ay 71-anyos na indibidwal na naging close contact niya ay nagpositibo sa test sa Omicron nitong Linggo. Hindi naman binanggit ng ministry ang nationalities ng dalawang pasyente.
“Both of them are in isolation and getting healthcare under the supervision of health workers,” batay sa statement ng ministry.
Dagdag pa ng ministry, na-traced naman ang 66 iba pang indibidwal na naging close contact ng mga pasyente at lahat sila ay nagnegatibo sa test.
Kamakailan, ipinagbawal ng Nepal ang mga travelers na mula sa walong African countries at Hong Kong dahil sa banta ng Omicron COVID-19 variant.
Comments