ni VA @Sports | July 23, 2024
Uumpisahan ng dalawa sa mga inaasahang makapagbibigay ng medalya sa bansa ang kampanya ng mga Filipinong atleta sa 2024 Paris Olympic Games.
Mauunang sumalang mula sa hanay ng dalawampu't dalawang Pinoy athletes sina gymnast Carlos Yulo at boxer Eumir Felix Marcial ang kampanya ng bansa sa Sabado-Hulyo 27, isang araw pagkatapos ng opening ceremony.
Kasama nilang sasabak din sa Sabado ang rower na si Joannie Delgaco.Umaasa si Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino na maging maganda ang panimula ng mga balik-Olympians na sina Yulo at Tokyo Games bronze medalist Marcial para delegasyon ng bansa na magtatangkang higitan ang naging pagtatapos ng Pilipinas sa nakaraang edisyon ng quadrennial games kung saan nakamit bansa ang ating unang Olympic gold medal sa pamamagitan ni Hidilyn Diaz-Naranjo sa weightlifting na dinagdagan pa ng dalawang silvers at isang bronze ng mga boxers na sina Carlo Paalam, Nesthy Petecio at Marcial.
“We’re looking forward to Caloy [Yulo], Eumir and Joanie giving the country that strong start in Paris,” wika ni Tolentino. “They’re all ready and inspired and in high spirits,” dagdag nito.Nakatakdang sumalang ang 23-anyos na si Yulo sa qualification round ng men’s individual all-around ganap na alas-9:30 ng gabi.Sisimulan naman ni Marcial ang laban sa light-heavyweight division kasabay at parehas din ng oras ng pagsabak ni Yulo.
Mauuna naman sa kanila at sasabak sa heat ganap na alas-3:00 ng hapon si Delgaco na magtatangkang makaabot sa finals ng women’s single Sculls.Nauna nang nagpahayag ng kanyang kumpiyansa si Tolentino na magiging matagumpay ang Team Philippines sa Paris.“This team, I believe, is the most prepared in Philippine Olympic history,” ani Tolentino kasabay ng pasasalamat sa Philippine Sports Commission sa pagsuportang ibibigay ng mga ito sa mga atletang sasabak sa Paris Games partikular sa pagsasagawa ng kauna-unahang pre-Olympic training camp na idinaos sa Metz, France.
“Our athletes have trained and prepared through a tried-and-tested template that guarantees an Olympic medal,” ayon pa kay Tolentino.
Ito na ang ika-100 taon ng partisipasyon ng Pilipinas sa Olympics.
Comments