ni Lolet Abania | September 16, 2021
Kinumpirma ng lokal na pamahalaan ng Batanes ngayong Huwebes na nagkaroon na ng community transmission ng COVID-19 sa lalawigan matapos na apat na local residents na walang travel history ay tinamaan ng naturang sakit.
Sa Facebook post ng Batanes government, tatlong pasyente ay naka-isolate na sa Batanes General Hospital habang ang isang pasyente ay sumailalim sa quarantine sa Department of Agriculture-Batanes Experiment Station.
Ayon sa provincial government, nagsasagawa na ng intensive contact tracing para sa mga na-expose sa naturang pasyente.
“Dahil sila ay walang travel history, ito ay matuturing na kauna-unahang kaso ng community transmission sa probinsiya,” pahayag ng lokal na pamahalaan.
Bukod sa pagsunod sa minimum health standards, ipinaalala rin sa mga residente na ang mass gatherings at non-essential travels ay hindi pinapayagan.
Gayundin, ipinagbawal na rin ng Batanes government ang mga indibidwal na may comorbidity, menor-de-edad, senior citizens at buntis na lumabas ng kanilang bahay.
Naglagay na muli ang mga awtoridad ng checkpoints sa mga borders.
Ang Batanes ay minsan nang naitalang COVID-19-free, subalit hanggang nitong Setyembre 16, nai-record ang 20 kabuuang kumpirmadong kaso, kung saan apat ang active cases, walang nasawi at 17 ang nakarekober.
Maliban sa COVID-19, ang Batanes ay dumanas din ng pinsala dulot ng Bagyong Kiko.
Comments