ni Thea Janica Teh | December 15, 2020
Isang wild animal ang kumpirmado at kauna-unahang naitalang positibo sa COVID-19 nitong Lunes, ayon sa US Department of Agriculture (USDA) at ito ay mink.
Nagsimula ang pagkabahala ng awtoridad sa pagkakaroon ng virus ng mga mink matapos magkaroon ng outbreak sa Utah simula Agosto na ikinamatay ng halos 15,000 farmed mink.
Sa wildlife surveillance ng USDA sa Utah, sumailalim ang mga wild animals sa COVID-19 test at napag-alamang ang tanging nagpositibo sa virus ay ang mga mink.
Iniimbestigahan na ng Global health officials ang potensiyal na panganib nito sa mga tao. Matatandaang noong Nobyembre ay pinatay ng bansang Denmark ang 17 milyong farmed mink dahil ito umano ang nagkakalat ng virus sa kanilang bansa.
Agad na ipinaalam ng USDA sa World Health Organization ang nangyaring insidente ngunit sinabi nito na wala pa umanong sapat na ebidensiya upang masabi na kumalat na sa wild population ang nakuhang sakit ng mga mink.
Matatandaang nakapagtala na rin sa ibang bansa ng alagang aso, pusa at tigre sa zoo na nagpositibo sa virus.
Comments