ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | March 29, 2023
Ang paglubog ng barkong MT Princess Empress na may kargang 900,000 litro ng industrial fuel sa karagatang malapit sa Oriental Mindoro noong February 28 na nagdudulot ngayon ng oil spill ay may malaking epekto, hindi lang sa kapaligiran kundi maging sa buhay at kabuhayan ng mga apektadong residente. Agad tayong nanawagan sa mga kinauukulan na magsagawa ng mabilisang aksyon para matugunan ang insidente at huwag nang kumalat pa sa ibang isla o lalawigan. Hindi na dapat maulit ito.
Kailangang mapanagot kung sino ang dapat managot, at kung sino ang may kasalanan.
Naghatid na ang aking tanggapan ng tulong sa mga apektadong residente sa mga bayan ng Pinamalayan at Gloria sa Oriental Mindoro, kamakailan. Noong Lunes, Marso 27, personal naman akong bumisita sa Pola para tingnan ang lawak ng pinsala at ginagawang paglilinis, at namahagi ng tulong sa mga taga-roon. Sa araw ding ‘yun, pinangunahan ng aking opisina ang pamamahagi ng tulong sa bayan naman ng Roxas.
Ako naman bilang Senador, ay handang tumulong sa abot ng aking makakaya, lalo na sa mahihirap nating kababayan. Sa ating kapasidad, magkakaloob din ang aking tanggapan ng tulong sa iba pang lugar na apektado ng oil spill sa mga susunod na araw.
Hindi lang ang pag-alam sa kalagayan ng mga residenteng apektado ng oil spill ang naging sadya natin sa Oriental Mindoro. Nang araw ding ‘yun, sa imbitasyon ng lokal na pamahalaan at Philippine Ports Authority, pinangunahan natin ang inagurasyon ng Port of Calapan-Passenger Terminal Building. May kapasidad na 3,500 pasahero at world-class ang disenyo, ito na ang pinakamalaking port terminal ngayon sa ating bansa.
Bahagi ito ng Build, Build, Build program ng nakaraang administrasyon na dinaluhan namin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang groundbreaking noong 2021.
Nagpapasalamat ako sa kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos dahil ipinagpatuloy nila at balak na palawakin pa ang magagandang nasimulan ng nakaraang administrasyon.
Bilang miyembro ng Senate Committee on Public Services, mahalaga para sa akin ang mga ganitong imprastruktura sa bawat lalawigan sa bansa para maging mas komportable ang paglalakbay at mas napapabilis nito ang pag-usad ng mga produkto at nakalilikha ng maraming trabaho.
Sinaksihan ko rin ang groundbreaking ceremony ng itatayong Guinobatan Super Health Center sa nasabing siyudad. Bahagi ito ng ating adhikain na mapalakas ang ating healthcare system, na suportado ng aking mga kapwa mambabatas at Department of Health (DOH). Layunin ng SHCs na mailapit ang serbisyong medikal sa taumbayan, lalo na sa mga liblib na lugar na malayo sa mga ospital. Kayang tugunan ng SHCs ang mga emergency, eye, ear, nose, and throat (EENT) service; oncology centers; physical therapy and rehabilitation center. Kabilang sa iba pang serbisyo nito ang database management, out-patient, birthing, isolation, diagnostic (laboratory: X-ray, ultrasound), pharmacy, at ambulatory surgical unit. Puwedeng rin itong magsilbing vaccination center laban sa mga sakit, hindi lang COVID-19 kundi pati sa tigdas at iba pang kinakailangan ng bakuna.
Bilang Chair ng Senate Committee on Health at pangunahing may-akda at sponsor ng Malasakit Centers Law, binisita ko rin ang Malasakit Center na nasa Oriental Mindoro Provincial Hospital sa Calapan City. Ito ay isa sa 157 na Malasakit Center sa bansa at nabuksan noong Setyembre 18, 2020. Pinangunahan din natin ang pagkakaloob ng tulong sa medical frontliners at mga pasyente ng ospital. May hiwalay na tulong din ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga pasyente.
Samantala, hindi tayo tumitigil sa paghahatid ng tulong sa iba pa nating kababayan na nahaharap sa iba’t ibang krisis. Nasa Baguio City tayo noong Marso 25, kasama ang ating kapwa mambabatas na si Sen. Robinhood Padilla. Sinaksihan natin ang groundbreaking ceremony ng itatayong Super Health Center sa Atab District, at namahagi ng tulong sa 500 mahihirap na residente ru’n.
Nagsagawa rin ako ng inspeksyon sa Malasakit Center na nasa Baguio General Hospital and Medical Center. Ito ang ika-50 Malasakit Center na naitayo sa bansa at binuksan noong Nobyembre 7, 2019. Namahagi rin tayo ng personal na tulong sa mga mga pasyente at frontliners ng ospital. May nakuha namang dagdag na tulong pinansyal ang 500 in-patients mula sa DSWD.
Kasama si Sen. Robin, binisita at inalam natin ang kasalukuyang sitwasyon ng 1,415 market vendors na naging biktima ng sunog sa Kayang-Hilltop Public Market. Pinangunahan din natin ang pagkakaloob ng tulong sa mga ito. May hiwalay ding ayuda ang DSWD sa mga nasunugang vendor.
Noong Marso 26, sinamahan naman natin si dating Pangulong Duterte sa blessing ng bagong renovate na House of Hope-Margarita Village sa Bajada, Davao City. Ang HOH Foundation ay nagbibigay ng libreng matutuluyan at kalinga para sa mga batang may sakit na cancer, anuman ang antas ng kanilang pamumuhay. Malapit sa puso ni Tatay Digong ang mga batang may sakit na cancer, at kahit noong mayor pa siya ng Davao City ay tumutulong na siya sa HOH.
Ngayon, gusto kong samantalahin ang pagkakataon para batiin muli si Tatay Digong na nagdaos ng kanyang ika-78 kaarawan kahapon, Marso 28. Maligayang kaarawan po, and good health!
Palagi kong sinasabi na si Tatay Digong ang nagbukas ng daan sa akin para pasukin ang serbisyo publiko. Utang ko sa kanya ang lahat kung bakit maaga tayong namulat na maging mapagmalasakit sa kapwa at patuloy sa paghahatid ng serbisyo sa bawat Pilipino. Sa kanya ko natutunan na laging uunahin ang kapakanan ng mga Pilipino, lalo ang mahihirap, hopeless, helpless at walang malalapitan maliban sa pamahalaan, na ang serbisyo sa tao ay serbisyo rin sa Diyos.
Hindi ko sasayangin ang oportunidad na ito para makapagserbisyo pa at makatulong sa kapwa sa abot ng aking makakaya tungo sa mas magandang kinabukasan para sa mga Pilipino!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments