ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | March 4, 2023
Habang unti-unti tayong nagbabalik sa normal na pamumuhay, sa aking kapasidad bilang inyong senador at lingkod-bayan, palagi kong prayoridad ang mahihirap nating kababayan. Mas mararamdaman nila ang pagsiglang muli ng ekonomiya kung naaalalayan sila sa aspeto ng kanilang hanapbuhay, kalusugan, edukasyon at pangunahing pangangailangan. Isa sa prayoridad nating maalalayan ang mga jeepney driver. Sa aking manifestation noong Pebrero 28 sa ginanap na Senate plenary session, sinuportahan ko ang Senate Resolution No. 507 na umaapela sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ipagpaliban muna ang planong phaseout ng mga tradisyunal na jeepney. Bagama’t nauunawaan natin ang importansya ng modernisasyon para makaagapay sa mga makabagong pagsubok na hatid ng climate change at ekonomiya, hindi dapat ipasa ang pasakit sa mahihirap na Pilipino na kailangan ang ating tulong. Tandaan natin na ang mga driver, pati ordinaryong commuters, ay may pamilyang binubuhay at pinapakain na sinisikap na makabangon mula sa kahirapan. Importante ang safety ng pasahero at road worthiness ng mga sasakyan sa usapan dito, ngunit huwag natin pabayaan ang mga ordinaryong jeepney driver na walang pambili ngayon ng bagong pampublikong sasakyan, lalo na at hindi pa tayo tapos sa krisis na dulot ng COVID-19. Kaya naman nagpapasalamat ako sa LTFRB na pinakinggan ang hiling natin at ng kapwa natin Pilipino dahil kamakailan lang ay inanunsyo ng gobyerno na i-postpone muna ang pag-phaseout sa mga tradisyunal na jeepney. Palagi nating unahin ang kapakanan at interes ng mahihirap. Bigyan muna natin sila ng palugit para makapaghanda pa at gamitin din natin ang pagkakataong ito na ayusin ang mga patakaran, proseso at polisiya para hindi maging pabigat sa ating ordinaryong mga mamamayan. Titingnan din nating mabuti ang mga jeepney na puwede pang magamit dahil naging parte na ng ating kultura ito. Kapag walang jeepney, parang wala tayo sa Pilipinas. Kung safe pa naman at mapapakinabangan pa, gamitin pa rin natin dahil sayang. Kapag na-phaseout lahat, maninibago tayo niyan. Tila wala na tayo sa Quezon Avenue o Cubao kung wala ang mga jeepney na nakagawian natin. Bilang Chair ng Senate Committee on Health, napakaimportante rin sa akin na mapangalagaan ang kalusugan ng bawat Pilipino. Kaya ating pinalalakas ang healthcare system sa pamamagitan ng Malasakit Center program at pagtatayo ng Super Health Centers sa iba’t ibang sulok ng bansa sa tulong ng Department of Health (DOH) at ating mga kapwa mambabatas para one step ahead tayo — hindi na tayo dapat muling mabulaga sakaling may sumulpot na namang panibagong health emergency. Noong February 28, binisita kong muli ang Malasakit Center na nasa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa Quezon City. Nakipagkuwentuhan din ako sa mga kamag-anak ng mga pasyente para malaman kung ano pa ang kanilang pangangailangan. Nakiusap din ako sa mga opisyal ng NKTI na unahin ang mahihirap na pasyente na walang ibang matakbuhan kundi ang gobyerno. Nang araw ding ‘yun ang ika-40 anibersaryo ng NKTI at pinagkalooban ng recognition ang mga empleyadong nagseserbisyo at matagal nang naglilingkod du’n. Pinasalamatan ko ang lahat ng frontliners sa kanilang kabayanihan, lalo na noong panahon ng pandemya. Sa ating layunin na unahin ang mahihirap, suportado natin ang mga aktibidad ng mga lokal na pamahalaan na isa sa ating mga katuwang sa paghahatid ng serbisyo. Tulad ko, pareho kaming bisyo ang magserbisyo. Noong Pebrero 27, naging panauhin tayo sa ginanap na 31st National Convention and Election of National Officers ng Provincial Board Members League of the Philippines (PBMLP). Ipinarating ko sa provincial board members na “fundamentally the same” ang aming mga responsibilidad. Mayroon silang pagkakataon na marinig ang mga alalahanin at hangarin ng kanilang mga kalalawigan, at lumikha ng mga patakaran na tutulong para maabot nila ang kanilang mga pangarap. Huwag nating sayangin ang oportunidad na ito na makagawa ng direktang pagbabago sa buhay ng mga tao sa ating komunidad. Huwebes, Marso 2, naman ay dinaluhan ko ang imbitasyon ng Vice Mayors at Councilors ng Cordillera Administrative Region (CAR) para sa kanilang orientation course bilang bagong halal na local legislators. Hinikayat ko rin sila na makipagtulungan para lalo pang makapagserbisyo sa mga Pilipino, kabilang ang mga programa at inisyatiba na masugid nating isinusulong gaya ng para sa kalusugan, sports, kampanya laban sa ilegal na droga at kriminalidad, at pag-alalay sa ating mga kababayan sa panahon ng kalamidad at mga sakuna. Nasaksihan ko rin nitong Biyernes ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Pangantucan, Bukidnon. Matapos ang okasyon ay personal kong pinangunahan ang pamamahagi ng ayuda sa 500 mahihirap na residente ng Bgy. Bacusanon sa nasabing lugar. Nakarating din ako sa Davao City at naghatid ng tulong sa mga binaha sa Bgy. Ilang. Noong Huwebes, nasa Mendez, Cavite ako at personal na nag-abot ng tulong sa 1,000 vulnerable residents. Kasabay din nito ay nagkaroon ng groundbreaking ng Super Health Center sa Magallanes, Cavite at relief activity para sa 500 na mahihirap na residente sa lugar. Bumiyahe rin ako sa Davao City at nagkaloob ng ayuda sa mga residenteng nasunugan sa Bgy. 21-C at sa Bgy. 22-C. Matapos naman ang paglulunsad ng ika-155 na Malasakit Center sa Dr. George T. Hofer Medical Center Ipil, Zamboanga Sibugay noong Pebrero 25, nagkaloob tayo ng personal na tulong gaya ng pagkain, grocery packs, vitamins, masks, at t-shirts sa 95 pasyente at 423 frontliners sa nasabing ospital. May natanggap ding pinansyal na tulong mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga pasyente. Naalayan din natin ang ilang residente rin du’n na naging biktima ng sunog. Nakiisa tayo sa mga aktibidad gaya ng e-sports competition na bahagi ng kanilang Sibug-Sibug Festival at sinuportahan ang mga inisyatiba para mailayo ang mga kabataan sa masasamang bisyo. Nitong linggong ito, naalalayan din ng ating tanggapan ang iba pang nangangailangan nating mga kababayan tulad ng 57 mahihirap na residente ng Cuyapo at Peñaranda sa Nueva Ecija; 333 mahihirap na residente ng Labason, Zamboanga del Norte; 200 mahihirap na residente ng Barotac Viejo, Iloilo, 150 mahihirap na residente ng Biñan City, Laguna, 39 pamilyang nasunugan sa Bgy. Moonwalk, Parañaque; at 96 pamilyang nasunugan sa Bgy. Poblacion at Bgy. Buli sa Muntinlupa. Habang patuloy nating ginagawa ang lahat ng pagsisikap na tulungan at unahin ang mahihirap nating kababayan sa abot ng ating makakaya, hikayatin din natin ang ating kapwa Pilipino na makiisa sa mga inisyatiba ng gobyerno upang masigurong walang maiiwan sa ating muling pagbangon mula sa mga krisis bilang isang mas matatag at nagkakaisang bansa. Ang ating pakikilahok ay malaking ambag tungo sa mas ligtas at komportableng buhay para sa lahat!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments