ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | February 22, 2021
Ano ba ang mas importante — libangan o edukasyon?
Kamakailan, dismayadong-dismayado tayo. Dahil sa pagnanais na buhayin ang ekonomiya, binigyan ng prayoridad ng IATF na buksan ang mga sinehan at game arcades sa mga mall kung saan mga bata ang tumatangkilik.
Nakakaloka lang isipin na hindi pa pinapayagan ang face-to-face classes pero go-ahead na sa mga palaruan at sinehan? Mas delikado ba para sa mga bata ang mag-aral sa classroom kaysa maglaro ng video games sa mall?
Ikatatalino ba ‘yan ng mga bata?
Kawawa naman ang mga nagsasakripisyong titser at estudyante! Hindi na nga makapag-aral at walang pasok sa paaralan, hirap pa rin mag-remote learning dahil sa naghihikahos ang signal at WiFi.
‘Yan nga ba ang sinasabi natin, dati pa na kung may mga nanay lang sana sa IATF, mas mabibigyang halaga riyan ang edukasyon o eskuwela sa mga bibigyang-prayoridad sa pagdedesisyon.
Naiintindihan natin ang layunin ng ating mga kasamahan sa gobyerno na unti-unti nang ibalik ang kita ng mga kababayan nating nawalan ng trabaho at negosyo. Pero sana naman ay bigyan natin ng kaukulang pansin ang edukasyon.
Kung tutuusin, marami na ring maliliit na private schools ang nagsara at negosyo rin silang maituturing. Kailangan din nila ng tulong mula sa pamahalaan.
IMEEsolusyon sa pagdedesisyon ng tama, sana paigtingin ang konsultasyon sa iba’t ibang sektor, bago magpasya sa dapat unahin. Balansehin natin lahat at pag-aralan ng husto.
Mabuti na lang at narinig nating isasama na rin ang limited face-to-face classes sa Marso. Sana ay siguraduhin lang na ang mga guidelines na ilalabas ay angkop pa rin sa health protocols para maiwasan ang hawaan.
Comments