top of page
Search
BULGAR

Unahin ang kapakanan ng mga mahihirap at pinakanangangailangan

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | October 21, 2023


Habang unti-unting bumabangon ang ating bansa mula sa hagupit ng pandemya na ilang taon din nating pinagsikapang labanan bilang nagkakaisang mga Pilipino, marami pa rin tayong kinakaharap na mga bagong hamon na dulot ng mga pandaigdigang kaganapan.

Mataas pa rin ang presyo ng bilihin. Marami sa ating mga kababayan ang pinagkakasya ang kanilang maliit na kinikita para lang makakain ng tatlong beses sa isang araw ang kanilang pamilya, bukod pa ang para sa kanilang pangunahing pangangailangan, at mga bayarin gaya ng kuryente at tubig. Kaya naman umaapela tayo sa Department of Trade and Industry na tutukan ang presyo ng mga pangunahing bilihin at gawan agad ng aksyon upang hindi na mas bumigat pa ang pasanin ng ordinaryong Pilipino.

Importante sa akin na walang magugutom na Pilipino. Ayaw natin na maapektuhan ang kalusugan ng ating mga mamamayan, na kinakailangang magtipid sa kanilang pagkain.


Mahalaga ang tamang nutrisyon lalo na sa mga kabataan, kaya bilang Chair ng Senate Committee on Health, umapela rin tayo sa Department of Health na tutukan ang kalusugan ng bawat Pilipino.

Umapela rin tayo sa Department of Social Welfare and Development na ipagpatuloy ang pagkakaloob ng ayuda lalo na sa mga mahihirap, mga hopeless, helpless at walang malalapitan maliban sa pamahalaan sa mabilis at nararapat na paraan. Gamitin dapat ang pondo ng bayan ng wasto, para mapakinabangan ng taumbayan.

Bilang mambabatas at pangunahing may akda at sponsor ng Malasakit Centers Act, tinututukan rin natin ang patuloy na operasyon ng mga Malasakit Center sa buong bansa na napakaraming natutulungang mahihirap na pasyente. Bukod pa rito ang pagsulong ng pagpapatayo ng mga Super Health Centers sa tulong ng DOH, lokal na pamahalaan at mga kapwa mambabatas para mailapit sa tao ang serbisyo medikal ng gobyerno tulad ng primary care, consultations at early disease detection.

Habang nagpapatuloy naman ang giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine, pati na rin ang gulo sa pagitan ng Israel at Hamas, kailangan nating maghanda sa epekto nito sa ating ekonomiya. Higit pa rito ay ang kaligtasan ng Filipinos abroad na apektado ng kaguluhan doon. Napakasakit para sa atin na mabalitaan na ilan na sa ating mga kababayan ang namatay dahil sa kaguluhan.


Habang nakikiramay tayo sa kanilang mga naulilang pamilya, dapat sikapin din ng gobyerno na iligtas ang iba pang Pilipinong humihingi ng saklolo.

Kaya sa simula pa lang ay umapela na tayo sa DMW, DFA, at sa POEA na bilisan ang pagkilos dahil importante ang oras sa mga panahong ito at tiyakin na matutukoy lahat ang ating mga kapwa Pilipino na apektado. Ipanalangin natin ang kanilang kaligtasan at bigyan ng sapat na tulong para maidala sila sa ligtas na lugar.

Sa kabila ng mga hamon na hinaharap ng bansa, sana ay magkaisa tayo at sama-samang tulungan ang gobyerno upang maisakatuparan ang ating iisang hangarin na mabigyan ng mas matatag, maginhawa at ligtas na bansa ang bawat Pilipino na ating pinaglilingkuran.

Ang mga isyu sa loob at labas ng bansa ay labis na nakakaapekto sa mga dalahin ng mga karaniwang Pilipino. Kaya sikapin nating maging bahagi ng solusyon at mag-focus sa mga tungkuling nasa ating mga kamay bilang mga lingkod bayan. Sa ating parte, tuluy-tuloy ang ating pagseserbisyo sa mga kababayan nating nahaharap sa iba’t ibang krisis.

Masaya kong ibinabalita na ngayong linggo ay nagkaroon na ng groundbreaking ang itatayong Super Health Centers sa Cabadbaran City, Agusan del Norte; Brgy. Labangon sa Cebu City; Pitogo, Zamboanga del Sur; gayundin ang itatayo naman sa Tigbauan, Iloilo na sinaksihan ng ating tanggapan.

Nagbigay tayo ng tulong sa 1,000 mahihirap na residente ng Llanera, Nueva Ecija katuwang ang tanggapan ni Cong. GP Padiernos; 500 miyembro ng iba’t ibang sektor sa Barangay Mintal, Davao City; at 333 sa Pulupandan, Negros Occidental katuwang ang grupong Malasakit at Bayanihan.

Nakapamahagi rin tayo ng dagdag na tulong sa 93 displaced workers sa Lumban, Laguna; 210 sa Pilar, Bohol; at 1,104 pa mula sa iba’t ibang bayan ng Bohol. Ang mga benepisyaryo ay binigyan rin ng pansamantalang trabaho ng DOLE.

Mayroon ding 43 residente ng Davao City at siyam sa La Paz, Agusan del Sur na naging biktima ng sunog noon, pati 32 biktima ng pagbaha sa Kalamansig, Sultan Kudarat, na ating binigyan ng hiwalay na tulong bukod sa natanggap nilang livelihood kits sa pamamagitan ng programa ng DTI na ating patuloy na sinusuportahan ang implementasyon.

Sinuportahan rin nating makabangon ang 283 kababayang nabiktima ng sunog noon sa Cagayan de Oro City na binigyan natin ng hiwalay na tulong bukod pa sa natanggap na housing assistance mula sa programa ng NHA na ating isinulong noon para may pambili ng mga materyales tulad ng pako, yero at iba pa sa pagsasaayos ng kanilang bahay ang mga naging biktima ng sakuna.

Agarang tulong naman ang naibigay sa ating mga kababayang nabiktima ng sunog tulad ng 50 pamilya sa Baseco, Manila City. Nagkaloob din tayo ng dagdag tulong sa 200 scholars sa kanilang ginanap na TESDA Orientation sa Daet, Camarines Norte.

Gaya po ng madalas kong sabihin, ang pagiging lingkod bayan ay isang oportunidad na ibinigay sa atin ng taumbayan para ipaglaban at pagserbisyuhan sila. Ibalik natin ang tiwala at suporta na ibinigay sa atin sa pamamagitan ng pagtulong sa mga nangangailangan nating mga kababayan. Unahin natin ang kanilang kapakanan at ipamalas natin ang ating sinseridad sa pagseserbisyo at pagmamalasakit sa kanilang mga pinagdadaanan.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page