top of page
Search

Unahan sa panalo ang 6 Team sa PVL Opening

BULGAR

ni Gerard Arce @Sports | June 27, 2023




Mga laro ngayong araw (Hunyo 27)

(FilOil EcoOil Centre, San Juan City)

1:30 n.h. – Farm Fresh vs F2 Logistics (Pool B)

4:00 n.h. – Cignal vs Petro Gazz (Pool B)

6:30 n.g. – Chery Tiggo vs Creamline (Pool A)


Anim na koponan ang mag-uunahan sa bwenamanong panalo kabilang ang nagtatanggol na Creamline Cool Smashers sa pagbabalik ng bakbakan sa ikalawang kumperensya ng 2023 Premier Volleyball League (PVL) Invitational tourney ngayong Martes ng hapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.

Nakatakdang sumabak agad ang six-time conference champion na Cool Smashers sa pangunguna ni collegiate at pro-ranks multi-titlist at three-time MVP Alyssa Valdez, katulong sina three-time conference MVP Tots Carlos, Jema Galanza at Michelle Gumabao laban sa mas pinalakas na Chery Tiggo Crossovers sa pinakatampok na laro sa alas-6:30 ng gabi.

Masusubukan naman sa unang pagkakataon ang bagong koponan na Farm Fresh Foxies na ipaparada ang mga bagong manlalaro mula sa back-to-back NCAA champions College of Saint Benilde Lady Blazers at dating Adamson University Lady Falcons na sina Trisha Tubu at Kate Santiago na gagabayan ni kontra coach Jerry Yee kontra sa All-Filipino third placers na F2 Logistics Cargo Movers sa unang laro sa ala-1:30 ng hapon sa pagsisimula ng preliminaries para sa Pool B.

Ilalatag rin sa three-game schedule ang laro ng Pool B preliminaries ng mas pinalakas na Cignal HD Spikers na ipaparada ang tambalang ‘GonzAquis’ nina Jovelyn Gonzaga at Rachel Ann Daquis, gayundin ang debut ni Vanie Gandler laban sa All-Filipino runner-up na Petro Gazz Angels sa alas 4:00 ng hapon.

Panigurado ring tutulong para sa Creamline sina last season Finals MVP at middle blocker Celine Domingo, Risa Sato, Pangs Panaga, libero Kyla Atienza, ace setter Julia Morado-De Guzman at ang nagbabalik indoor na si Bernadeth Pons.

0 comments

Recent Posts

See All

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page