ni MC / Maria Ysabella L. Matito (OJT) @Sports | Feb. 15, 2025
Photo: Itatala sa unang kasaysayan ng Pilipinas ang gold medal-winning team nina playing president Benjo Delarmente, Alan Frei, Enrico Pfister, Christian Haller at Mark Pfister sa Curling sa gabay nina Pilipinas secretary-general Jarryd Bello, Jessica Pfister at coach Miguel Gutierrez sa Ninth Asian Winter Games sa Harbin, China. (pocpix)
Kauna-unahan sa Pilipinas na makapag-uwi ng medalyang ginto mula sa Asian Winter Games nang ang pambato na PHL men's curling team ay nagkampeon kahapon, Valentine's Day.
Tinalo ng PHL team ang South Korea sa 5-3 puntos sa finals ng Harbin 2025 Asian Winter Games sa China. Binubuo ng magkapatid na Marc Pfister, Enrico Pfister, Alan Frei, at Christian Haller ang Curling Pilipinas na kasalukuyang World’s Rank 51 sa Men’s Curling.
“Gold medal for Team Philippines, and we expected ourselves to win. It is a great game, and we never doubt ourselves,” ayon sa 35-anyos na Filipino-Swiss Pfister na 26 na taon nang player ng curling.
“It’s not just only a medal, bronze or silver, but a gold.” Ang Curling Pilipinas ay dating kilala sa tawag na Curling Winter Sports Association of the Philippines, binubuo ang organisasyon na ito ng mga Pinoy na nakatira sa mga bansang United States, Canada at Switzerland.
Nangunguna ang Pilipinas sa puntos na 3-1 sa pang-apat na yugto ng laro ngunit naka-2 puntos ang South Korea dahilan para mag-tie ang dalawang koponan.
Umabante ang Curling Pilipinas matapos makuha ang 7-6 na pagkapanalo laban sa bansang Tsina sa semifinals ng laban. Kasunod nito ang pagkanalo ng grupo laban sa Japan sa 10-4 puntos sa semis qualifier.
Pangalawa ang Curling Pilipinas sa Group A na natapos sa round robin kung saan sila ay nakapuntos ng 3 panalo at isang talo. Matapos ang isang talo sa South Korea, nagsunod-sunod na ang pagkapanalo ng grupo laban sa Kazakhstan (4-1), Kyrgyzstan (12-2) at Chinese Taipei (11-3) dahilan para masungkit nila ang gold medal.
Nagwagi ng silver medal ang South Korea at bronze ang China. “This is too good to be true,” papuri ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino.
“Shocking, that’s the least I can say. Now, the path is clearer toward our first medal in the Winter Olympics.” Samantala, 4th place sina Isabella Gamez at naturalized Filipino-Russian Aleksandr Korovin sa mixed pair free skating competition (figure skating) sa HIC Multifunctional Hall.
Comments