ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | May 12, 2021
Bago pumutok ang pandemya ay usung-uso na ang online shopping, ngunit mas dumoble ngayon ang sistemang ito dahil marami sa ating mga kababayan ang takot nang lumabas para mamili lamang.
Kung marami ang natutuwa sa online shopping ay marami rin naman ang nagrereklamo dahil naging biktima sila ng bad advertisements o napakagandang larawan ng produkto online, ngunit hindi maayos kapag idiniliber na sa personal.
Halimbawa ay ang isang nakabili ng car fire extinguisher na nang kanyang gamitin ay hindi gumagana at hindi na niya mahabol ang pinagbilhan online dahil lumipas na ang ilang linggo.
Bukod sa malaking abala ay posibleng mas mapalaki ang gastos ng magrereklamo lalo pa kung nagmula pa sa malayong lalawigan ang nakabili online at hindi naman gaanong mahal ang kanyang nabili.
Isa sa talamak na bentahan ngayon online ay ang mga pekeng beauty products at gamot na hindi naman rekomendado ng doktor ngunit kapag tiningnan online ay makikita ang napakagandang company profile at nakakaingganyo.
Gumagamit pa sila ng mga kilalang personalidad na nagpapatunay kung gaano kahusay ang kanilang produkto ngunit kapag in-order na ang mga ibinibentang produkto ay ang gaganda ng presentasyon, ngunit wala naman itong bisa.
Ibig sabihin, totoong may produkto, mamahalin ang packaging, hindi ka naloko ngunit makaraan ang ilang buwang paggamit ng mga ibinibentang gamot online ay doon pa lamang makukumpirmang wala itong bisa.
Ang isa sa mga target market ng mga manlolokong ito online ay ang mga kababayan nating dumaranas ng matinding problema sa kalusugan at hindi makapunta agad sa pagamutan dahil sa takot na mahawa sa COVID-19.
Nakadagdag pa ang kakulangan ng mga espesyalistang manggagamot sa ating bansa na hindi agad mapuntahan ng may komplikadong sakit at kailangan pang magpa-schedule kaya habang hindi pa nagagamot ay sumusubok muna sa mga iniaalok na gamot online.
Isang halimbawa ay ang diabetic na dahil hindi agad naagapan ay nakararanas na ng pamamanhid ng paa hanggang sa binti at dahil medyo matagal na ay hindi na ito nakakatulog kahit ininom na niyang lahat ang mga gamot na ina-advertise sa telebisyon.
Dahil dito ay magsisimula nang magbasa-basa online ang isang hirap na hirap ng diabetic at bigla niyang mababasa ang isang nakakaingganyo na DON’T LOSE YOUR FEET TO DIABETES, WE’LL HELP YOU KEEP YOUR FEET RELIEVED.
Kapag binuksan ng diabetic ang site na ito ay dito makikita ang grabeng pananakot na kesyo mapuputol ang paa kung hindi maagapan at may ibinibenta silang gamot na naglalaro sa P3,000 hanggang P5,000.
Ngunit ang grabeng pananakit ng binti at paa ay napakadali naman palang gamutin ng Endocrinologist at maging ang mga espesyalistang ito ay hindi inirerekomenda ang pagbili ng mga ganitong gamot online dahil wala ngang bisa.
At hindi lang ang mga may diabetes ang nagiging biktima dahil halos lahat ng may maseselan at nakamamatay na sakit ay may inirerekomendang gamot online at dahil sa pagnanais na gumaling ng nakabasa ay agad itong o-order online.
Dapat nating tandaan na ang Food and Drug Administration (FDA) ay matindi ang paghihigpit sa mga botika na nagbebenta ng gamot online kahit may physical store pa dahil marami sa kanila ang walang license to operate pero nagpapalusot na magbenta online.
Doon sa mga kababayan nating mahilig talaga sa online shopping, puwede naman kayong tumawag o um-order sa mga botika online pero personal ninyong kukunin sa botika ang mga gamot na nais ninyong bilihin.
Bawal ding magbayad online dahil unang-una, kailangang makita ng pharmacist ang reseta ng bumibili para masigurong sa tama mapunta ang gamot at ikalawa ay matiyak na nasa tamang storage at pag-iingat ang gamot.
Nakababahala rin na posibleng ang mabiling gamot online ay magdulot ng seryosong side effects at health problems dahil maaaring makontamenado ang mga gamot sa gitna ng biyahe at walang tamang imbakan.
Higit sa lahat, puwedeng ang mabili ninyong gamot online ay katulad na katulad ng nabibili sa botika ngunit walang garantiya na ito ay tunay o hindi peke dahil sa dami ng mga nagkalat na pekeng produkto online.
Sana, huwag kayong malito na ang pinapayagan lamang ng FDA ay ang online ordering services kung ang nagbibenta ay may existing FDA-licensed pharmacy o kung isa itong accredited na botika na may physical address.
Kaya sa mga kababayan nating may karamdaman, makabubuting sa doktor kumonsulta para hindi mabiktima ng mga mapagsamantala online dahil sa halip na gumaling ay baka lumala pa at madamay pa ang inyong bulsa.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments