ni Melba Llanera @Insider | August 25, 2024
Bilang Senate President Pro Tempore (chosen or appointed to occupy a position either temporarily or in the absence of a regularly elected official) si Sen. Jinggoy Estrada at bilang chairman naman ng Committee on Public Information and Mass Media si Sen. Robin Padilla, at bilang kapwa-aktibo at nangunguna sa Senate hearing tungkol sa sexual harassment and rape case na isinampa ni Sandro Muhlach laban sa dalawang independent contractors ng GMA-7 na sina Jojo Nones at Richard “Dode” Cruz, at ang singer na si Gerald Santos ay laban naman sa isang musical director na diumano’y nang-rape sa kanya, inulan nang katakut-takot na pamba-bash ang dalawa.
Pinaratangan na insensitibo, walang konsiderasyon, at tila sinisisi pa raw ni Sen. Jinggoy si Sandro gayung ito ang biktima.
Agad namang naglabas ng pahayag si Sen. Jinggoy sa publiko bilang paglilinaw kung ganito ang naging dating ng pagtatanong niya. Siniguro rin ng senador na hindi niya intensiyon na ipahiya ang mga biktima.
Ayon pa kay Sen. Jinggoy, gusto na rin niyang matuldukan ang maling sistema na ito sa showbizness na noon pa man ay nangyayari na at hindi niya kinukunsinti ang ganitong maling kalakaran.
Gayunpaman, lalong na-bash ang senador dahil imbes mag-sorry daw sa pambi-victim blame nito, umamin pang walang ginawa sa sexual abuse sa showbiz gayung matagal na pala niyang alam ito.
Sayang lang daw ang ipinasusuweldo sa kanya ng taumbayan.
Kasunod din nito ang paglalabasan sa social media kung saan tila nakikipagdiskusyon siya sa ilang tao at sa isang babae.
Paliwanag ni Sen. Jinggoy tungkol dito, ito ay nangyari noong Abril, 2024 kung saan nagtungo siya sa mga kababayang nasunugan sa San Juan na namamalagi sa isang gymnasium para mamahagi ng cash assistance.
Simpleng pag-aanunsiyo niya umano ito at ang pakay ng kanyang mga kinatawan ay makipag-coordinate pero pilit diumanong pinigilan ng mga lokal na opisyal ng San Juan sa hindi malinaw na dahilan.
Dahil sa nangyari, si Sen. Jinggoy na ang personal na pumunta sa venue para kausapin ang mga kinauukulan, pero wala raw gustong humarap sa kanya kaya’t hindi niya raw napigilang komprontahin ang isa sa mga ito.
Pagkukuwento pa ni Sen. Jinggoy, sa nasabing video ay gusto raw palabasin na ginagamit niya ang kanyang pagiging senador para mangyari ang gusto niya.
Kaya naman, inulan siya ng pamba-bash at tinawag pa ng iba na power tripper.
Bukas naman ang aming pahayagan para sa panig ng naturang tao para maipaliwanag din ang kanyang saloobin tungkol dito.
Samantala, inulan din nang katakut-takot na pamba-bash si Sen. Robin Padilla dahil sa isyu ng marital sex na isa sa matagal nang isyu sa ilang mag-asawa.
Maraming mga below-the-belt na pambabatikos ang natanggap ng senador, kung saan tinawag siyang male chauvinist, walang pagpapahalaga sa mga kababaihan, at kung anu-ano pa.
Humingi na ng dispensa si Sen. Robin sa mga tao, lalo na sa mga kababaihan na nasaktan o na-offend sa isyu.
Paliwanag din ng actor-politician, ina-address lang niya ang isang matagal nang isyu sa mga mag-asawa, lalo’t hindi klaro kung hanggang saan ba ang karapatang seksuwal nilang mga kalalakihan.
Isa sa mga baguhang aktor na dapat abangan sa showbiz ay si Pedro Red. Isa siya sa cast ng upcoming movie na Wild Boys (WB) kung saan makakasama niya ang magkapatid na Aljur at Vin Abrenica, Kristof Garcia, Rash Flores, at Nicco Loco.
Gumaganap man bilang isang macho dancer sa pelikula, hindi naman nagdalawang-isip si Pedro na tanggapin ang role dahil alam niyang trabaho lang ang lahat at gusto niyang makagawa ng sariling pangalan sa showbiz.
Taong 2015 pa lang, sa tulong ng kanyang manager na si Harley Licup Manalili ay sumubok nang pumasok sa showbiz si Pedro kung saan nabigyan siya ng maliliit na roles sa ilang serye gaya ng Oh My G (OMG) at Forevermore, pero sumuko siya noon at nawalan ng pag-asa, kaya’t nagdesisyon siyang umuwi ng probinsiya at mag-aral ng kursong Agricultural Engineering sa Nueva Ecija sa loob ng dalawang taon.
Natapos naman ni Pedro ang kursong Culinary Arts sa Magsaysay Institute of Culinary.
Taong 2022 nang sumali siya sa Mister of Filipinas, isang male pageant, kung saan siya ang itinanghal na second runner-up at dito nagkita sila uli ng manager.
Ang WB ang kauna-unahang big break ni Pedro, kaya’t excited at talagang pinaghandaan niya ang nasabing pelikula, kung saan ito rin pala ang first directorial job ng aktor na si Carlos Morales under Bright Idea Productions.
Nakatulong nang malaki kay Pedro ang talento nito sa pagsasayaw kaya’t hindi siya masyadong nahirapan sa kanyang role. Aminadong may offer siya para gumawa ng pelikula sa Vivamax, pero sa ngayon ay gusto munang magpokus ni Pedro sa WB.
Bukas naman siyang gumawa ng mga sexy roles basta maganda ang script at kinakailangan talaga sa proyekto. Kung mabibigyan ng tsansa, gusto ni Pedro na subukan ang drama, comedy, at action, kung saan ang hinahangaan niyang aktor ay si Ruru Madrid na malaki rin ang pagkakahawig sa kanya.
Comments