top of page
Search
BULGAR

Umamin kay Sylvia… ANDREA, BUKING NA INSECURE SA GANDA NG MGA CO-STARS

ni Rohn Romulo @Run Wild | August 31, 2023




Sa celebrity screening last Sunday ng newest primetime series ng ABS-CBN na Senior High na hatid ng Dreamscape Entertainment, may konting pasilip na ang character ng award-winning actress na si Sylvia Sanchez.


Gumaganap nga siya bilang isang security guard sa school na kung saan nag-aaral ang kambal na sina Luna at Sky na ginagampanan ng ‘most important star’ at ‘future Drama Queen’ ng Kapamilya Network na si Andrea Brillantes, na talaga namang hinahangaan sa kanyang pagganap sa dalawang karakter.


Bida rin sa serye sina Kyle Echarri, Juan Karlos, Elijah Canlas, Zaijian Jaranilla at Xyriel Manabat na nagpamalas na rin ng kani-kanilang husay sa pag-arte.


Natanong naman si Sylvia after ng screening ng three episodes kung bakit niya tinanggap ang naturang role, na base naman sa napanood namin ay mukhang malaki ang magiging kaugnayan sa mga batang bida ng mystery-thriller series na kapupulutan ng mga mahahalagang aral.


“Malaki ‘yung role na ‘yun,” sabi niya.


“After ng HKM (Huwag Kang Mangamba), sinabi ko, papahinga muna ako (paggawa ng teleserye). So ginawa ko 'yun, years akong nagpahinga.


“May mga offers naman na dumating, tinanggihan ko, kasi pare-pareho na nanay, ganu’n. Gusto ko naman na ma-break ‘yung ganoon, na maiba ‘yung role ko.”


Pero may dumating kaya hindi na siya nakatanggi, “So, after 2 years, eto, dumating itong role na ito na si Lydia na isang security guard. Tinanggap ko na walang pag-aalinlangan.


“Kasi, after HKM, pinagkatiwalaan ako ng Dreamscape ng panibagong magandang role.


Security guard siya, pero huwag lang siyang sinasabihan na security guard lang. Kasi ang security guard na ‘yun, ‘pag pumutok, tatahimik ang lahat,” pahayag pa ni Sylvia, na tiyak na ‘di magpapakabog sa pagganap sa bagong character na siguradong tatatak na naman.


Samantala, marami siyang ibinigay na payo sa kanyang anak-anakan na si Andrea, na nakasama rin niya sa Huwag Kang Mangamba.


Sobrang insecure pala ito dati at patuloy pa ring nakakatanggap ng pamba-bash.


“Dati kasi, sinasabi niya sa sarili niya na, ‘Tita, hindi po ako maganda.’ Pero nakita ko siya noong bata pa siya (8 years old lang si Andrea nang magkasama sila ni Arjo Atayde sa Eboy), ang ganda-ganda niya.


“Tapos, ‘yung kumpiyansa sa sarili niya, kulang na kulang noon. Kaya ang sabi ko, ‘Blythe (real name ni Andrea), maganda ka, magaling at matalino ka, kaya laban lang.


“Kaya ngayon, kung anuman ang nangyayari sa ‘yo, ang layo na ng Blythe na nakilala ko noong 8 years old ka sa Blythe ngayon, dahil inoobserbahan kita. Kaya natutuwa ako.


“Palagi kong sasabihin sa ‘yo na ang lakas ng loob, tapang at tiwala sa sarili, dalhin mo ‘yan palagi.”


Hirit pa ng mommy ni Gela Atayde na introducing sa Senior High, “At ‘pag may nagsabi sa ‘yo na pangit ka, at hindi ka magaling umarte, ako ang magsasabi sa kanila nang diretso, dahil mas maganda talaga siya (Andrea)."


Feeling daw kasi noon ni Andrea ay hindi siya mabibigyan ng pansin ng ABS-CBN dahil maraming mas magandang aktres kesa sa kanya. Pero dahil nga sa payo ni Sylvia kaya nagkaroon ng kumpiyansa sa sarili si Andrea.


“Saka tandaan mo ‘to, kahit tumanda ka pa, isang tawag mo lang sa akin, kay Gela, kay Tito Art, sa pamilya Atayde, nandoon kami, kahit na ano’ng oras, kahit tulog kami, tatakbuhin ka namin.”


At dahil sa mga magagandang sinabi ni Sylvia, naging emosyonal nga ang bida ng Senior High na nagsimula na noong August 28, 2023. Ito ay mapapanood mula Lunes hanggang Biyernes nang 9:30 PM sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, TV5, iWantTFC, at TFC.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page