ni Jasmin Joy Evangelista | March 13, 2022
Naitala sa Dagupan City, Pangasinan ang pinakamataas na heat index ngayong taon sa 51°C, ayon sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) nitong Sabado.
Ang heat index — na temperaturang nararamdaman ng katawan ng tao — ay pumalo sa Dagupan City bandang 2:00 p.m. noong nakaraang Linggo, March 6, batay sa datos ng Pagasa.
Nilinaw ng Pagasa na ang 42-51°C heat index ay tinuturing nang “dangerous” o mapanganib.
Ang ilan pang lugar sa bansa ang nakapagtala ng heat indices sa “dangerous levels” ay:
Catbalogan, Western Samar, 46°C (March 1)
Muñoz, Nueva Ecija, 45°C (March 8)
Zamboanga City, 43°C (March 11)
Cotabato City, 43°C (March 11)
Nagpaalala naman ang Pagasa sa mga residenteng naninirahan sa mga nasabing lugar na manatili sa mga indoor areas dahil posibleng makaranas ng fatigue, heat cramps, heat exhaustion, at heat stroke kung matagal na mae-expose sa init ng araw.
Comentarii