ni Atty. Rodge Gutierrez - @Mr. 1-Rider | June 13, 2023
Dismayado na ang napakaraming motorista at ilan sa ating mga ‘kagulong’ dahil sa hindi maayos na serbisyong ibinibigay sa atin ng Department of Land Transportation (DOTr) ngunit kataka-takang hanggang ngayon ay hindi man lamang natitinag ang naturang ahensya.
Maging ang Senado ay nagpahayag na ng pagkadismaya sa palpak at napakabagal ng aksyon ni DOTr Secretary Jaime Bautista hinggil sa backlog ng naturang ahensya sa driver’s license card at ang nakaambang kakulangan ng plate number.
Sa nagdaang pagdinig sa Senate Blue Ribbon Committee, inamin ni Bautista na umabot na sa 700,000 ang bilang ng mga driver’s license na kasalukuyang nakatengga sa tanggapan ng Land Transportation Office (LTO).
Hindi hamak na mas mataas umano ito ng kalahating milyon mula sa dating naitala noong Mayo 2023 na umabot lamang sa 234,149 driver’s license at sa haba ng panahong nagdaan ay nananatili pa rin itong problema.
Tapos ang ikinakatuwiran pa ni Bautista na kahit umano may backlog ay extended naman ang validity ng lisensya na napaso noong nagdaang Abril 24 at may bisa pa rin ito hanggang October 21 ng taong kasalukuyan.
Kung ating matatandaan, si dating Land Transportation Office (LTO) Assistant Secretary Jose ‘Jay Art’ Tugade ang gumawa ng paraan upang hindi magkagulo kaya pinalawig na lamang niya ang bisa ng driver’s license at ito ngayon ang ikinakatwiran sa Senado ni Bautista.
Sinabi mismo ng chairperson ng Senate Committee on Services na si Sen. Grace Poe na labis na ang kanyang pagkainis dahil Marso pa ang sinasabing procurement ngunit matatapos na ang Hunyo ay nasa final bidding process pa rin.
Maging si Sen. Francis Tolentino ay hindi na nagustuhan ang pangangatwiran ni Bautista dahil kung mananatiling napakabagal nang pagkilos ng DOTr ay posible umanong madagdagan pa ang backlog ng tinatayang 500,000 sa susunod na buwan at malamang na magtuluy-tuloy na at abutin na ito ng milyon.
Sinabi pa ni Sen. Poe na napaka-basic lamang umano ng driver’s license at hindi tamang ang mga ganito kasimpleng problema ay dinaranas ng ahensyang kumpleto ang pondo at bakit hindi umano gamitin ang emergency procurement na puwede naman.
Nauna rito, kinastigo ni Sen. Poe ang patuloy na kapalpakan sa LTO dahil sa magulong digitalization program na hindi magamit na naging sanhi pa ng patung-patong na problema ng naturang ahensya.
Nais ni Sen. Poe na magsagawa ng malawakang pagsusuri hinggil sa digitalization program ng LTO dahil sa halip na mapabilis ang serbisyo ay naging sanhi pa umano ito ng korupsyon at sa ilang taong pagpapatupad nito ay bilyong piso na umano ang nagastos ngunit wala namang kuwenta.
Ang masakit ay tumambak na sa tanggapan ng LTO ang lumang problema, mabagal na serbisyo, walang kuwentang portal, mahabang pila ng aplikasyon -- renewal at registration, kinakapos na naman sa plaka at ngayon ay ang plastic cards.
Ilan lang ito sa patunay na lubhang napakagulo ng digitalization program ng LTO at ayon pa kay Sen. Poe — kumbaga sa software ay nasa beta phase pa rin, puro testing at hindi umano umuusad sa final implementation.
Bago mag-break ay ginisa ng Senado ang DOTr/LTO hinggil sa P3.19 billion Road Information Technology infrastructure project dahil sa rami ng alingasngas at alegasyon ng korupsyon.
Natuklasan kasi ng Senado sa 2021 Commission on Audit report na nagkaroon ang LTO ng ‘undue and unjust’ payments sa mga kumpanyang nabigong ipatupad ang proyekto.
Dahil dito ay nagbigay na ng ultimatum si Sen. Poe na hindi puwedeng puro problema ang hatid ng ahensya sa publiko at dapat ay panahon na para iresolba na ang mga problema sa lalong madaling panahon.
Una ay nainis ang publiko, ngayon pati ang Senado ay binitawan na ang katagang ‘palpak’ sa serbisyong hatid ng DOTr, bakit kasi umaasa pa tayo sa pangako ng DOTr na ilang ulit nang nasangkot sa mga alingasngas kung puwede namang palitan ng may kakayahang patakbuhin ang ahensyang santambak na ang reklamo.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comentarios