top of page
Search

Ulasimang Bato, Yerba Buena, Ampalaya at Tsaang Gubat, pasado sa clinical trials

BULGAR

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Marso 18, 2024


Nakakatuwa namang malaman na mayroon tayong apat na plant-based supplements ang nakapasa sa masusing clinical trial na isinagawa ng National Integrated Research Program on Medical Plants-Institute of Herbal Medicine (NIRPROMP-IHM) na nagpatunay sa bisa at kaligtasan ng mga ito.


Nabatid na sumailalim sa iba’t ibang klase ng pagsusuri upang masiguro ang kaligtasan at bisa ng apat na bagong mga gamot na inabot ng halos pito hanggang 10 taon.


Ang apat na bagong gamot ay mula sa Ulasimang Bato o mas kilala sa pangalang pansit-pansitan, Yerba Buena, Ampalaya at Tsaang Gubat.


Ayon sa ilang eksperto mula sa NIRPROMP-IHM sa pamumuno ni Dr. Nelia Maramba, ang Ulasimang Bato ay gamot para sa hyperuricemia (mataas na uric acid sa dugo) at sa clinical test nabatid na wala itong side effects. 


Ligtas umanong gamitin ang Ulasimang Bato para sa paggamot ng mataas na uric acid na nagiging sanhi ng gout.


Nabatid sa mga eksperto na talagang nagpapababa ng serum uric acid levels ng mga tao ang Ulasimang Bato kaya maaari itong gamitin para sa gout o ‘yung talagang mataas ang uric acid levels.


Samantala, ang Yerba Buena naman ay gamot bilang analgesic na pangpawi sa sakit ng katawan. Ito ay maaaring gamitin bilang pain reliever sa operasyon, dysmenorrhea, childbirth at circumcision. Ang Ampalaya ay epektibo sa pagpapababa ng sugar level dahil sa diabetic. Ang Tsaang Gubat ay mabisa naman sa anti-colic o para maibsan ang kabag at gamot rin ito sa mga nakakaranas ng loose bowel movement (LBM) at sakit sa bato.


Sa apat na nabanggit, ang Tsaang Gubat ang nakarehistro na sa Food and Drug Administration habang ang tatlo pang herbal drugs ay naghihintay na lamang ng regulatory approval.


Sa tulong ng Technology Transfer and Business Development Office (TTBDO) at ng University of the Philippines-Manila nasimulan na ang transition ng scientific innovations sa commercial product.


Ayon kay TTBDO Director Dr. Lourdes Marie Tejero, noong 1970s pa lamang ay mayroon ng pangarap na magkaroon ng murang gamot para sa mga Pilipino.


Napakarami kasi ng ating herbal medicines – isa sa tagumpay na ating narating sa herbal medicine ay ang Lagundi na umabot ng isang bilyong piso ang naibenta dahil sa husay simula ng maging gamot, ganoon din ang Sambong na kumita naman ng 17 milyong piso noong 2018.


Ang kasalukuyang tagumpay ng ating herbal medicine ay patunay na napakarami pa nating halaman na may potensyal na maging isang ganap na gamot na dapat pagtuunan ng mga eksperto dahil sa malaking tulong nito para sa marami nating kababayan.


Araw-araw, isa sa pangunahing problema ng karamihan sa ating mga kababayan ay ang napakamahal na presyo ng gamot na maiibsan lamang kung magtutuluy-tuloy ang produksyon ng mga halamang gamot dahil abot-kaya ang halaga nito.


Naniniwala akong hindi magpapabaya ang kasalukuyang pamahalaan hinggil sa pagpapalaganap ng herbal medicine, ang kailangan lamang ay makipag-ugnayan ang mga nasa likod nito sa gobyerno upang maalalayan sila sa lahat ng kanilang pangangailangan para sa mas lalo pang ikauunlad ng herbal medicine sa bansa.


Hindi ba’t may kasabihan na, ‘ang kalusugan ay kayamanan’ kaya napakagandang balita na may mga halaman tayong kapaki-pakinabang, lalo pa sa panahong ito na sobrang mahal na ng lahat ng bilihin kasama na rito ang mga gamot.


Sa mga botika ay napatunayan na nakikipaglaban sa merkado ang Lagundi na nangungunang gamot laban sa ubo at tinatalo nito ang mga imported na kapsula sa kabila ng mga advertisement.


Anak ng Teteng!


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

תגובות


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page