ni GA - @Sports | April 20, 2022
Daraan sa matagal na pagpapahinga ang dating WBA (super) welterweight champion Yordenis “54 Milagros” Ugas kasunod ng 10th round TKO na pagkatalo kay bagong unified IBF/WBC/WBA titlist Errol “Truth” Spence, Jr., nitong linggo sa AT&T Stadium sa Arlington, Texas.
“I have a fracture in my eye and in the next few days the doctors will say how they will treat it,” pahayag ng 35-anyos ng Santiago de Cuba sa kanyang opisyal na Instagram post. “I spent all morning in a hospital and I write these words with only one eye, the other one is still closed.”
Inawat ni referee Laurence Cole ang kanilang laban sa 10th round kasunod na rin ng abiso ng ringside physician dahil sa namamagang kanang mata ni Ugas mula sa malulutong na patama ng kaliweteng si Spence, Jr. na nanatiling undefeated sa 28 na laban kasama ang 22 panalo mula sa knockouts.
Bumagsak sa 27-5 rekord kasama ang 12 knockouts ang 2008 Beijing Olympic bronze medalist na nagsimulang mamaga ang kanang mata kasunod ng kaliwang uppercut ni Spence sa 7th round.
"I couldn't see from the eye, but I wanted to keep going to the end,” pahayag ni Ugas matapos ang laban sa in-ring interview.
Iniulat ng ESPN na hindi kinakailangan ng agarang operasyon sa natamong bugbog ni Ugas, ngunit kinakailangan itong suriing muli matapos na humupa ang pamamaga upang matukoy kung kakailanganin pa ng medical na atensiyon.
Comments