top of page
Search
BULGAR

Ugali at driving skills ng motorcycle taxi rider, dapat namo-monitor

ni Mylene Alfonso | June 1, 2023




Kung magkakaroon ng batas na magle-legalize at magkokontrol sa motorcycle taxis sa bansa, makasisigurong ligtas ang mga rider at pasahero.


Sa joint hearing ng Senate Committees on Public Services and Local Government, itinuon ang diskusyon sa training at skills know-how ng mga rider sa paggamit ng motorsiklo.


“We need to legalize to reflect the reality on the ground but we also need the highest safety standards to make this a true mobility alternative,” sabi ni Sen. Grace Poe, chair ng Senate committee on public services.


Sa naturang pagdinig, sinuring mabuti ang Angkas, JoyRide at Move it, ang mga kumpanyang pinayagang mag-operate sa ilalim ng tatlong taong pilot program ng Department of Transportation, tungkol sa safety training na kanilang ibinibigay sa kanilang mga drayber.


Samantala, nababahala si Sen. Raffy Tulfo sa bilang ng mga aksidente na kinasasangkutan ng Angkas, ang market leader na humahawak ng 30,000 slot sa 45,000 sa ilalim ng pilot program, kung saan may naitala umanong 7,500 aksidente noong 2022 lamang.


“There are so many instances na nakatanggap ako ng mga reklamo na ‘yung pasahero ang nagpapaluwal muna dahil ang hirap kausap ng mga kumpanya tulad n'yo, kaya sila na ang napipilitan magluwal ng pera,” sabi ni Tulfo.


“What I want is dapat kapag may naaksidente na rider n'yo na may pasahero, agad-agad pupunta kayo sa hospital, agad-agad babayaran ‘yung hospitalization, sagutin n'yo everything,” saad pa niya.


Pinagpaliwanag naman ni Poe ang mga kinatawan ng mga motorcycle taxi company na magbigay ng detalye ng kanilang training na ibinibigay sa kanilang mga drayber.


Ayon kay Grab Senior Executive Vice President Lim Yew Heng, sa Thailand, Vietnam at Indonesia kung saan sila nag-o-operate din, gumagamit sila ng teknolohiya para ma-monitor ang ugali at driving skills ng kanilang mga drayber bukod pa sa kaligtasan at tamang pagsasanay ng mga Grab driver.


“We use that (app) to track drivers, so if we find drivers are driving dangerously, that would then trigger an alert,” dagdag pa niya.


Inamin naman Angkas at Move it na wala silang ginagamit na teknolohiya para matutukan ang kanilang mga drayber.


“We don’t have it to that level, but we do have a command center and we have marshals all over,” ayon kay Angkas CEO George Royeca.


“Sa JoyRide, meron po kaming mga marshals na umiikot sa Metro Manila, 24/7 po ‘yan. Mga grupo na hindi alam ng mga (JoyRide) bikers na inoobserbahan sila,” sabi naman ni JoyRide Vice President Rico Meneses.


0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page