ni Anthony E. Servinio - @Sports | August 04, 2021
Nilampasan ng defending champion Estados Unidos ang matinding hamon ng Espanya, 95-81, upang tumuloy sa semifinals ng Tokyo 2020 Men’s Basketball sa Saitama Super Arena Martes ng hapon. Pinagpag ng Amerikano ang kanilang mabagal na simula at uminit sa tamang panahon upang manatiling buhay ang paghananap ng kanilang ika-apat na sunod na gintong medalya.
Tinapos nina Jayson Tatum, Devin Booker at Damian Lillard sa fourth quarter ang trabahong sinimulan ni Kevin Durant. Nagpalitan ang mga bituin ng NBA ng mga tira upang mapanatili sa 10 o higit ang lamang ng Team USA hanggang huling busina.
Lumamang ang Espanya ng 10 sa second quarter, 39-29, subalit ipinasok ng Team USA ang huling pitong puntos upang maitabla ang laban, 43-43. Pagsapit ng second half ay mas ganado at mabangis na Amerikano ang lumabas at hindi na sila nag-aksaya ng panahon sa pag-arangkada sa 65-49 na lamang sa pangunguna ng mga atake ni Durant.
Ipinasok ni Durant ang 13 ng kanyang 29 puntos sa mahalagang third quarter upang pangunahan ang Team USA. Sinundan siya ni Tatum na may 13, Holiday na may 12 at Lillard na may lima ng kanyang 11 puntos sa simula ng fourth quarter.
Nanguna para sa Espanya si Ricky Rubio na may 38 puntos sa 27 minutong aksyon. Nag-ambag ng 16 puntos si Sergio Rodriguez habang double-double si Willy Hernangomez na 10 puntos at 10 rebound.
Hihintayin pa ng Team USA ang magwawagi sa ika-apat at huling quarterfinals ng Australia kontra Argentina. Ang semifinals ay nakatakda sa Agosto 5 at ang dalawang magtatagumpay ay maglalaro para sa ginto sa Agosto 7.
Naunang nakapasok sa semifinals ang Slovenia matapos tambakan ang Alemanya, 94-70, sa likod ng 27 puntos ni Zoran Dragic at 20 puntos at 11 assist ni Luka Doncic. Susunod para sa Slovenia ang magwawagi sa pagitan ng Pransiya at Italya.
Comments