ni Julie Bonifacio @Winner | November 9, 2023
Panay pasasalamat ang bukambibig ni Sugar Mercado nu’ng makausap namin sa contract signing niya bilang isa sa mga incorporators ng bagong business niya, ang Nail Lounge.
Una niyang pinasalamatan ang Panginoon na Siya raw source of strength at nagbibigay ng blessings kay Sugar.
“Talagang naniniwala ako na kapag wala kang ginawang masama sa kapwa mo, ibe-bless ka niya. Kapag pinaghirapan mo talaga lahat ‘yan, magbubunga nang maganda,” umpisa ni Sugar.
Obvious na feel na feel ni Sugar ang pagiging executive niya ngayon with her outfit sa contract signing niya kahapon with Nail Lounge owner na si Ms. Leah Urbani.
Mala-Heart Evangelista at Anne Curtis daw ang peg niya sa kanyang suot sa contract signing.
But seriously, lahat daw ng ginagawa niya ay para sa magandang buhay ng kanyang mga anak.
“Ako po kasi, ang lagi kong iniisip ay ang mga anak ko. Nakita ‘yun ni Ms. Lea at nakatutok talaga ako sa negosyo ko. At pati 'yung business namin ni Ms. Lea, tutok din ako.
“Lagi ko po ‘yung isinasama. Sabi ko nga po, eh, wala man akong regular show, I’m so blessed,” pahayag ni Sugar.
Araw-araw daw siyang nagla-live sa social media. At habang nagla-live raw siya, mine-message siya nu’ng mga umoorder ng beauty products niya.
Isa raw ito sa mga naging source of income niya at ang mga out-of-town niya kung saan amazed na amazed si Sugar sa kinikita niya.
Mas malaki pa raw ang kinikita niya sa out of town shows kesa noong active siya sa showbiz.
Bukod sa business niya, may gig siya sa Klownz Comedy Bar at may mga TV guestings.
Nami-miss ba niyang makatrabaho si Willie Revillame?
“Siyempre, oo,” ngiting sagot ni Sugar. “Ang laki ng naitulong niyan sa akin. Isa ‘yan sa aking mga pinasasalamatan. Isa si Kuya Wil sa mga tumulong sa akin nu’ng nangangailangan talaga ako.
“Kaya sana, please! Matuloy na ang programa niya dahil ang dami niyang natutulungan na mga tao, hindi lang ako, (like) si Donita (Nose) and (Super) Tekla, si Hipon (Herlene Budol), si Boobsie (Wonderland). Saksi po ako sa mga natulungan niya."
Tinanong din namin si Sugar kung ano ang reaksiyon niya sa balitang babalik na ulit ang show ni Willie Revillame sa January 27, 2024.
“Good for him,” matipid na sagot ni Sugar.
Message for Willie?
“Ano, good health, long life and tuluy-tuloy ‘yung pagtulong niya sa kapwa. ‘Yun naman ang ano niya, kaya mahal namin siya.
“Sarili niyang pera kahit nu’ng pandemya ang ginagamit niya sa pagtulong sa mga tao. Kaya saludo talaga ako sa 'yo, Kuya Wil. We miss you and we love you, Kuya Wil!”
On a personal note, kinuha namin ang names ng 8 and 10 years old na mga anak na babae ni Sugar — sina Olivia Isabel Go at Gabrielle Sofia Go.
Chinese kasi ang mister niya, pero matagal na raw silang hiwalay. Annulled na rin daw ang kanilang kasal.
Marami raw nanliligaw sa kanya ngayon pero wala siyang karelasyon. Choice raw niya na maging single muna.
“Hindi ko kayang pagsabayin ang love and work. 'Pag na-in love kasi ako, super-tutok ako. Hindi ko maasikaso ang business ko,” saad niya.
One year na raw siyang hiwalay sa mister niya at may ibang partner na rin daw ang kanyang ex-husband. Chinese raw ang bagong karelasyon ng kanyang ex-hubby.
Comments