top of page
Search
BULGAR

TV cameraman na kinunan ang mga nag-swimming sa Gubat sa Ciudad, ginulpi

ni Lolet Abania | May 11, 2021




Nabiyak ang ilong at halos basag ang mukha ng isang television cameraman matapos na bugbugin ng tatlo umanong indibidwal na kabilang sa mga nag-swimming sa isang resort na ilegal na nagbukas sa gitna ng umiiral na modified enhanced community quarantine sa Caloocan City noong Linggo.


Agad na isinugod sa ospital ang biktimang si Arnel Tugade, cameraman ng isang television station, dahil sa tinamong matinding tama sa mukha makaraang pagtulungan umano ng tatlong lalaki.


Sa ulat, hawak ng biktima ang kanyang camera habang kinukunan ng video ang tinatayang 100 hanggang 200 katao na nag-swimming sa Gubat sa Ciudad sa Caloocan City.


Nang makita niya ang isang jeep na puno ng pasahero at marami na ring nag-uuwiang nagsipag-swimming, sinundan niya ito ng mga kuha ng video saka nangyari ang insidente.


“Nu’ng pag-zoom out ko, doon ko na nakita na pasugod na itong sumuntok sa akin. Hinawakan niya ‘yung lente ng camera ko sabay na jinab (jab) sa mukha ko,” ani Tugade.


“Wala na akong nagawa. Bale tatlo sila,” dagdag niya.


Kinilala ni Caloocan City Police Station chief Col. Samuel Mina, ang magkapatid na suspek na sina Dennis at Daniel Cawigan habang ang isa pang suspek ay agad na tumakas.


Depensa ng suspek na si Dennis, pinalo umano ni Tugade ng camera ang kapatid niya. Subalit, itinanggi ito ni Tugade.


“Puro sa mukha ‘yung puntirya nila… kaya biyak ‘yung sa ilong ko, sa mata hanggang sa baba ng ilong,” pahayag pa ni Tugade sa isang interview.


“Paglabas nila, kami ang nabungaran nila doon na may media. Kaya siguro iniisip nila, dahil sa media kaya naudlot ‘yung kanilang pagsaya doon… Actually, lahat ng nag-swimming doon, marami sila, sinisigawan kami, ‘Ayan, may media pa kasi,’” sabi pa ni Tugade.


Nakakulong na ang dalawang suspek at sumailalim sa inquest proceedings habang inihahanda ang isasampang kaso laban sa kanila.


Una rito, iniutos na ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan na isara ang Gubat sa Ciudad resort dahil sa ginawang pagbubukas nito kahit nasa ilalim pa ng MECQ ang Metro Manila.


Binawi na rin ng alkalde ang business permit at permit to operate ng nasabing resort habang nakatakdang sampahan ng kaso ang may-ari nito.


Samantala, iniutos ng Department of Health na i-quarantine ng 14 na araw ang mga dumagsa sa resort para mag-swimming na kinabibilangan ng mga bata at mga matatanda.


0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page