top of page
Search
BULGAR

Tutukan ang pag-aaral ng mga estudyante sa math at science

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | July 29, 2021



Sa pagsulong ng inobasyon sa new normal at pagbangon ng bansa mula sa pinsala ng COVID-19 pandemic, dapat maging prayoridad ang pag-angat sa kakayahan ng kabataang mag-aaral pagdating sa math at science.


Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, nais nating bigyang-diin na ang kakayahan ng mag-aaral sa Math at Science ay pundasyon sa inobasyon. Nagsisilbi itong mahalagang aspeto sa pagbangon ng bansa mula sa pangkalusugang krisis at paghahanda para sa anumang krisis na susuungin pa ng bansa sa hinaharap.


Kung matatandaan, hindi naging maganda ang resulta ng 2019 Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS), kung saan lumahok ang mga mag-aaral ng bansa mula sa ika-apat na baitang. Nakadidismayang 19 porsiyento lamang ang marunong ng basic Math habang 13 porsiyento naman ang nagpakita ng limitadong kaalaman sa mga pangunahing konsepto at impormasyon pagdating sa Science.


Sa 2019 Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM) naman, 17 porsiyento lamang ng mag-aaral sa ika-limang baitang ang may sapat na kaalaman sa Math upang magpatuloy sa high school. Sa 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), matatandaang ang Pilipinas ang nakatanggap ng pangalawang pinakamababang marka pagdating sa Math at Science.


Bagama’t kasalukuyang nirerepaso ng Department of Education (DepEd) ang K to 12 kurikulum, kailangan ding iangat ang kalidad ng mga guro at resolbahin ang mga isyu sa “spiral progression approach” na mandato ng Enhanced Basic Education Act of 2013 o ang Republic Act No. 10533. Sa ilalim ng spiral progression approach, maraming paksa at konsepto ang inaaral ng mga estudyante kaya naman nagiging mabigat ang nilalaman ng kurikulum o congested. Para sa ilan, hamon ang tinatawag na congested kurikulum para makapagturo ng mas malalim ang mga guro at makapag-focus ang mag-aaral sa core academic subjects, tulad ng Math at Science.


Sa isang workshop na ating inorganisa sa tulong ng non-government organization na Synergeia Foundation, lumalabas na kakaunti o walang guro ang sanay na ituro ang lahat ng sangay ng subject.


Patuloy ding isinusulong ng inyong lingkod ang Senate Bill No. 2152 o ang Teacher Education Excellence Act upang maiangat ang kalidad ng edukasyon at pagsasanay ng mga guro. Sa ilalim ng naturang panukala, patatatagin ang Teacher Education Council (TEC) upang maging mas maigting ang ugnayan sa pagitan ng DepEd, Commission on Higher Education (CHED) at Professional Regulation Commission (PRC). Layon nitong maging magkaugnay ang edukasyon at pagsasanay ng mga guro mula sa kolehiyo hanggang sa sila ay sumabak na sa kanilang propesyon.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page