ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Enero 19, 2023
ISANG honest to goodness o tapat na assessment—‘yan ang kailangan para sa ating sektor ng edukasyon ngayon.
Nakatakdang ilabas ng Department of Education (DepEd) ang Basic Education Report (BER) 2023 sa katapusan ng buwan. Dito ibabahagi ng DepEd ang mga update sa isinasagawang review sa K to 12 curriculum.
Importante na masinsinang mapag-usapan ang mga hamong kinahaharap ng basic education at tiyakin ang mga hakbang upang matugunan ang krisis na nararanasan dahil sa matagal na pagkawala ng face-to-face classes dulot ng COVID-19 pandemic.
Ito ang mandato ng bagong tatag na Second Congressional Commission on Education o EDCOM II, na nagsimulang umarangkada ngayong buwan, kung saan ang inyong lingkod ay co-chairperson. Tatalakayin dito ang krisis sa sektor ng edukasyon at gagawa ng mga panukala para sa mga kinakailangang reporma, tulad ng pag-angat sa competitiveness ng mga Pilipino. Sa kabuuan, mandato ng EDCOM II na repasuhin ang performance ng sektor ng edukasyon.
Bago pa tumama ang pandemya ng COVID-19 ay maraming pagsubok na kinaharap ang ating mga paaralan. Matatandaang nakakuha tayo ng mababang marka sa mga international large-scale assessments pagdating sa basic competencies.
Halimbawa, sa 2018 Programme for International Student Assessment o PISA, Pilipinas ang nakakuha ng pinakamababang marka pagdating sa Reading sa halos walumpung bansang nakilahok. Pilipinas din ang nakakuha ng pangalawang pinakamababang marka pagdating sa Mathematics at Science.
Tinataya rin ng World Bank na pagdating sa learning loss o pag-urong ng kaalaman, maaaring bumaba ang Learning-Adjusted Years of Schooling (LAYS) ng mahigit isa hanggang halos dalawang (1.4 hanggang 1.7) taon. Ang dating 7.5 na taong katumbas ng pag-aaral ay maaaring bumaba sa 5.7 hanggang 6.1 taon na lamang. Ibig sabihin, ang kalidad ng pag-aaral para sa labing-dalawang taon ng basic education ay magiging katumbas na lamang ng 5.7 hanggang 6.1 taon.
Ayon din sa World Bank, pumalo na sa 90.9 porsyento ang learning poverty sa bansa. Ito ang porsyento ng mga batang sampung taong gulang na hindi marunong bumasa o umunawa ng maikling kuwento.
Sa gitna ng mga pagsubok, patuloy nating isusulong ang mga kinakailangang reporma upang maiangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa at matugunan ang pinsalang dulot ng pandemya. 'Yan ang isa sa ating mga tinututukan bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments