top of page
Search
BULGAR

Tutol makitira ang biyenan, hipag at mga pamangkin sa bahay dahil palaasa

Dear Roma Amor - @Life & Style | December 20, 2020




Dear Roma,


Ako si Jasmin, married at may anak na. Gusto kong itanong kung may ibang paraan ba para sabihin sa aking mister na ayaw kong kasama tumira sa bahay ang kanyang ina, kapatid at mga anak nito?


Nanay niya ang nagsabi na rito siya titira kasama ng baby namin at paniwala niya rin na kasama niyang titira rito ang anak niyang babae at mga anak nito. Inanunsyo niya sa mga kumare at kamag-anak na ang vacant rooms namin sa bahay ay para sa kanila.


Sa totoo lang, demanding ang nanay niya at palaging nanghihingi sa amin imbes na magtrabaho siya dahil wala naman siyang sakit. Nang manganak ako, naghigpit ng padala ang mister ko, kaya napilitan siyang magbukas ng maliit na pagkakakitaan. Masama ang loob niya nang kinailangan niyang kumita para pandagdag sa mga gastos niya, maliban sa buwanang padala ng partner ko. Matagal na rin niyang kinukulit ang mister ko na kunin siya kahit wala siyang ipon at nakaasa sa padala, gayundin, puro utang at hingi sa amin.


Para sa akin, okay lang tumulong at magpadala ng nakalaang budget para sa kanya, pero hindi ko gusto na palagi siyang nakaasa at masama ang loob kapag napipilitang kumilos para sa sarili niya.


Marami rin siyang hindi maipaliwanag na expenses at palaging humihingi ng dagdag na padala sa partner ko kahit may anak na kami. Ang nangyari, ilang buwan kaming over budget at mas mahal ang gastos namin sa kanya kesa sa anak namin. Ang kapatid naman ay hindi rin magaling humawak ng finances, puro utang sa iba at hindi masyadong nadidisiplina ang mga anak.


Nakausap ko na ang partner ko na hindi ako payag na may makitira sa amin, pero ang opinyon niya ay maganda ang sama-sama, pero ayaw ko talaga. May iba bang paraan para maiparating na hindi talaga ako sang-ayon dito? —Jasmin


Jasmin,


Walang ibang paraan kundi kausapin nang masinsinan ang mister mo. Ipanunawa mo na may sarili na kayong pamilya at prayoridad, kaya dapat, unahin n’yo ‘yun at hindi ang ibang tao.


Alam niya naman siguro ang ugali ng kanyang ina, pero pinipili niyang manahimik at magbigay na lang dahil tulad ng paniniwala niya na “pamilya” pa rin sila. Sa kabilang banda, mahirap din kasing may ibang kasama sa bahay, lalo na kung hindi maganda ang ugali o pakikisama.


Kaya nga dapat bumukod ang anak na nag-asawa, para walang kahati sa atensiyon at prayoridad ang kanyang pamilya. Siguro, ikonsidera n’yo rin ang magiging epekto sa inyong anak kung may kasamang “palaasa” at mga batang hindi disiplinado. Kung ganyan ang kalalakihan niya, oks ba ‘yun para sa inyo?


Mahaba-habang usapan at maraming pasensiya ang kailangan mo para sa usaping ito, kaya anuman ang maging desisyon n’yo, for sure, para ‘yun sa ikabubuti ng pamilya n’yo. Good luck!

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page