ni Mary Gutierrez Almirañez | March 7, 2021
Umarangkada na ang vaccination rollout kontra COVID-19 sa mga ospital mula sa iba’t ibang probinsiya gamit ang bakunang Sinovac ngayong araw, Marso 7.
Batay sa ulat, tinatayang 750 doses ng Sinovac ang dumating sa Occidental Mindoro kung saan mahigit 114 healthcare workers na ang nabakunahan sa pangunguna ni Dr. Rylan Howell Superiano sa Occidental Mindoro Provincial Hospital.
Ayon pa kay Governor Eduardo Gadiano, mahigit P21 milyon ang inilaan nilang budget sa pambili ng bakuna.
Mula sa 318 na healthcare workers ng ospital ay 228 sa kanila ang pumapayag na magpabakuna gamit ang Sinovac.
Kaugnay nito, sinimulan na rin ang pagbabakuna sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City at si Medical Director Dr. Glenn Mathew Baggao ang unang binakunahan kung saan mahigit 1,500 na empleyado ng CVMC ang nagpalista para maturukan ng Sinovac.
Samantala, sa Sarangani Health Care Facility naman ay si Provincial Health Officer Dr. Arvin Alejandro ang unang nagpabakuna, habang patuloy din ang bakunahan sa Dr. Cornelio P. Martinez Sr. Hospital.
Tinatayang 336 doses ng Sinovac ang nakalaan para sa mga healthcare workers ng Sarangani Province.
Sinimulan na rin ang rollout sa Caraga Regional Hospital sa Surigao City kung saan ang medical specialist head ng Department of Medicine na si Dr. Angel Eugenio Batac ang unang binakunahan at sinundan ng medical specialist II na si Dr. Kenneth Ja-R Alberca.
Bukas ay inaasahang magsisimula na rin ang bakunahan sa San Jose District Hospital ng Occidental Mindoro, ilang ospital sa Oriental Mindoro at iba pang referral hospitals sa Cagayan Valley region.
Komentar