ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 15, 2020
Itinanghal na kampeon ang Turkey sa FIBA ESports Open II 2020 Europe Conference matapos walisin ang dalawang laban kontra Alemanya, 71-41 at 65-59, at wakasan ng maaga ang kanilang seryeng best of three noong Lunes ng umaga, oras sa Pilipinas. Tinapos ng mga Turko ang torneo na walang bahid ng talo sa pitong laban, kasama ang nakakagulat na 56-55 tagumpay laban sa bigating Italya sa semifinals.
Bago ang semifinals, hindi pa nakatikim ng talo ang mga Italyano sa loob ng 12 laban buhat pa noong nagkampeon sila sa FIBA ESports Open I noong Hunyo. Pinasok ni Fatih Toprak ang dunk galing sa palobong pasa ni Eren Demirtas na may 0.4 segundo sa orasan upang umarangkada ang Turkey sa finals.
Pinili ang 18-anyos na si Demirtas bilang Most Valuable Player at bibigyan siya ng bagong relos bilang gantimpala. Maliban kay Toprak, ang iba pang mga manlalaro ng Turkey ay sina Birkan Cengir, Kadir Pektas, Can Mecit, Tandu Aksoy at Gorkem Goksu.
Binigo ng mga Aleman ang Gran Britanya sa kabilang semifinals, 66-60. Dumaan ang mga Briton sa overtime sa quarterfinals laban sa paboritong Espanya, 75-72, sa likod ng nagpapanalong tres ni Jordan Polverino sabay tunog ng huling busina.
Hindi lumahok ang Turkey sa unang ESports Open subalit nagpakilala sila agad at winalis ang tatlong laban sa group stages kontra sa Cyprus (97-46), Austria (71-45) at Ireland (87-32). Tinalo nila ang Latvia sa quarterfinals, 57-41.
Sa pangalawang edisyon, nagpapadala ang 17 bansa ng kanilang mga koponan, mas marami kumpara sa siyam na lumahok noong Hunyo. Ang iba pang mga sumali ay Bosnia at Herzegovina, Russia, Ukraine, Croatia, Lithuania, Czech Republic, Portugal at Switzerland.
Magwawakas ang FIBA ESports Open II sa Disyembre 19 at 20 sa sabay na paglaro ng mga torneo para sa Hilaga at Timog Amerika. Argentina ang nagbabalik na kampeon sa Timog habang ito ang unang torneo para sa Hilaga kung saan maagang paborito ang Estados Unidos.
Comments