top of page
Search
BULGAR

Turismo sa Tagaytay nananatiling malakas sa gitna ng sitwasyon sa Bulkang Taal

ni Jasmin Joy Evangelista | March 28, 2022



Nananatiling malakas ang turismo sa Tagaytay City sa kabila ng mga naitalang phreatomagmatic bursts sa Taal Volcano noong Sabado, ayon sa lokal na opisyal.


“Okay naman sa Tagaytay at hindi naman nabawasan ang mga turista natin dahil sa naganap sa Bulkang Taal, sa pagputok nito. Pareho pa rin po, nananatiling malakas ang turismo ng Tagaytay kahapon at ngayon,” ani Tagaytay City Public Information Officer Angie Batongbacal sa interview ng Super Radyo dzBB interview nitong Linggo.


Itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) noong Sabado ang alert status ng bulkan mula Level 2 (increasing unrest) patungong Level 3 (magmatic unrest) matapos mag-generate ng “short-lived phreatomagmatic burst” ng main crater nito.


Ito ay sinundan ng “nearly continuous phreatomagmatic activity that generated plumes 1500 m accompanied by volcanic earthquake and infrasound signals," dagdag pa ng PHIVOLCS.


Ayon sa website ng ahensiya, ang Alert Level 3 ay "magma is near or at the surface, and activity could lead to hazardous eruption in weeks. Danger zones may be expanded up to eight kilometers from the active crater.”


Nang tanungin kung kokontrolin ng Tagaytay City local government unit (LGU) ang pagbisita ng mga turista dahil sa sitwasyon ng bulkan, sinabi ni Batongbacal, “Sa ngayon po kasi ay nasa alerto lamang kami at nagmo-monitor kami ng mga mangyayari. Subalit, bukas po ang ating mga establisyemento dahil tumigil naman na ang activity ng Taal Volcano this morning.”


Nitong Linggo ay nakapagtala ng dalawang minor eruptions ang Bulkang Taal.


Ayon pa kay Batongbacal, nananatiling naka-standby ang government agencies at local authorities sa sitwasyon ng bulkan.


“Dahil nga sa nangyari noong 2020, nakaantabay na po ang mga ahensya, ang PNP [Philippine National Police] natin, ang ating disaster control at management, of course ang LGU, nakaantabay lang kami kung anuman ang mangyari sa Batangas,” dagdag niya.


Ayon sa local officials, mahigit 900 pamilya na ang inilikas mula sa mga barangay sa bayan ng Agoncillo at Laurel sa Batangas matapos ang pag-aalburuto ng bulkan.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page