ni Anthony E. Servinio @Sports | September 2, 2024
Nais ng parating na Galaxy Watch Manila Marathon na maging pangunahing karera sa bansa na maipagmamalaki ng mga Filipino sa buong daigdig. Ang nasabing takbuhan ay gaganapin sa Oktubre 6 sa Mall of Asia at inaasahang aakit ng mahigit 10,000 mananakbo.
Kasama ang Department of Tourism at mga pamahalaang lokal ng mga daraanang lungsod, magiging bahagi ng ruta ang ilang tanyag na lugar sa lungsod gaya ng Rizal Park at Intramuros. Napipisil na malaki ang maitutulong ng mga karera tulad nito sa turismo sa paglahok ng mga galing mga lalawigan at ibayong dagat.
Sa kanyang muling pagbisita sa lingguhang Philippine Sportswriters Forum, inamin ni race organizer Coach Rio dela Cruz na marami pang kailangan upang mapabilang sa Abbott Marathon Majors na naghahanap ng bagong mga karera na mahahanay sa Boston, Chicago, New York, London, Berlin at Tokyo Marathon. Subalit may panukala siya na magbuo ng katulad na serye sa Timog Silangang Asya at nakikipag-ugnayan siya sa mga marathon sa Bangkok, Kuala Lumpur, Jakarta, Hanoi at Singapore.
Ipinakilala din ni Coach ang Galaxy Watch Cebu Half-Marathon sa Nobyembre 24 sa City di Mare at tampok ang Cebu-Cordova Link Expressway na pinakamahabang tulay sa bansa. Ang nasabing karera ay huling patikim para sa Philippine Half-Marathon Series 2025 na magsisimula sa Baguio International Half-Marathon sa Enero 26 at tutuloy sa New Clark, Balanga, Maynila, Imus, Legazpi, Iloilo, Bacolod, Cebu, Cagayan de Oro, Dapitan at Davao.
Samantala, nagdagdag ng dalawang yugto sa matagumpay na serye ng Takbo Para Sa West Philippine Sea sa Baguio sa Oktubre 13 at Dapitan sa Nobyembre 10. Kasama ang Setymbre 8 sa Cagayan de Oro, layunin ng fun run na ipagkaisa ang mga Filipino at ipaglaban ang karapatan sa karagatan.
Komentarze