ni Bishop Emi Domingo @Special Article | March 28, 2024
Sa tuwing nababanggit ang krus, isa lang ang naiisip ng marami, ito ay kamatayan.
6th century BC pa lang ay itinuring na ang krus na isang instrumento ng execution, na resulta ng kamatayang may pinakamatinding pagpapahirap at pinakamasakit na paraan.
Subalit, dahil kay Kristo at sa Kanyang kamatayan sa krus, ang kahulugan nito ay tuluyang nag-iba.
Ano nga ba ang nangyari sa krus? Noong si Kristo ay ipinako sa krus, ang kasalanan ng mundo ay lumipat sa Kanyang duguang katawan. Ito ang inihula ni Propeta Isaias na nagsasabing nang dahil sa kasalanan, ipinataw ng Diyos Ama kay Hesukristo ng kaparusahang tayo dapat ang tumanggap. Inilarawan naman ito ni Apostol Pablo, bilang handog para sa ating kasalanan.
Sa krus, nangyari ang tinatawag na “great exchange,” kung saan ang kasalanan ng mundo ay napasa-Kanya, at ang Kanyang katuwiran o righteousness naman ay napasaatin.
Sa panahon ng Old Testament, kapag ang isang nagkasala ay nagdala ng handog para sa kanyang kasalanan, ang kanyang alay na tupa o sheep ay sinusuring mabuti, ito dapat ay walang anumang depekto at malinis. Kapag ang tupang handog ay pumasa sa pagsusuri ng mga saserdote o high priest, ang nagkasala ay tatayo sa harap ng dala niyang tupa, habang ipapatong ang kanyang kamay sa ulo ng tupa.
Sa bisa ng seremonyang ito, ang naging kasalanan ng taong nagdala ng handog ay lumilipat sa tupa at ang kalinisan ng tupa ay nata-transfer naman sa kanya. Pagkatapos nito ay ang pagpatay sa tupang handog.
Ang nagdala ng tupa ang siyang papatay dito, habang ang saserdote ang magwiwisik ng dugo ng tupa sa palibot ng altar. Nangangahulugang ang kasalanan ng taong nagdala ng tupa ay natakpan pansamantala dahil sa dugo ng tupang inihandog.
Tinatawag itong “atonement” o pantakip ng kasalanan, galing sa salitang Hebreo na “Kaphar”, na ang kahulugan ay takpan o “to cover”. Noon, ang dugo ng tupa ang nagiging pantakip sa kasalanan ng tao, at ang bisa nito ay pansamantala lang dahil hindi kayang alisin ng dugo ng hayop ang anumang kasalanan.
Ginagawa ang ganitong praktis paulit-ulit para matakpan ang kasalanan ng isang tao. Subalit, ang tunay na nag-aalis ng kasalanan ay si Kristo.
Sa dugong ibinuwis Niya sa krus, ang ating kasalanan ay inalis na, sinabi ni Juan Bautista, “Tingnan n’yo, siya ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan”. Ang bisa ng dugo ng hayop ay temporary lang, subalit, ang bisa ng dugo ni Kristo mula sa kamatayan sa krus ay walang hanggan. Kaya ang dugong ibinuhos Niya sa krus ay katumbas ng walang hanggang kapatawaran sa ating kasalanan. Ang kamatayan ni Kristo sa krus ay istorya ng pagtutubos.
Siya na walang kasalanan na Anak ng Diyos ay inialay ang Kanyang buhay para tayo ay tubusin sa ating kasalanan. At dahil sa sakripisyo ni Kristo, ang sinumang magtitiwala sa Kanya lang para maligtas ay may katiyakan ng kapatawaran ng kasalanan.
Nawa ay naisin natin ang walang hanggang kapatawaran na dulot ng pagbuhos ng dugo ni Kristo sa krus. Maging panalangin din sana natin at tanggapin si Hesukristo sa ating puso bilang Panginoon at Tagapagligtas.
Amining makasalanan at hindi kayang iligtas ang sarili sa kapahamakan. Gayundin, humingi tayo ng tawad sa Diyos. Maniwala tayong si Kristo ay namatay at muling nabuhay, umakyat sa langit at muling babalik.
Tandaan natin na nangyari ang lahat sa krus nang dahil sa pag-ibig ng Diyos sa mundo at ang pagkamatay ni Kristo ang katuparan nito.
Comments