top of page
Search
  • BULGAR

Tunay na hari at mga hari-harian

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 24, 2024


Fr. Robert Reyes

Tungkol sa kaharian ng Diyos ang ebanghelyo, Mateo 22:1-14, noong nakaraang Huwebes.


Inihambing ni Kristo ang kaharian ng Diyos sa isang hari na nagdaos ng isang malaking handaan. Inimbitahan niya ang mga malalaki at kilalang tao ngunit hindi pinansin ang kanyang mga tauhan na nagpaabot ng paanyaya, at sa halip ang iba rito’y pinatay pa ng mga naimbitahan. Kaya’t sa inis ng hari, pinaanyaya niya sa handaan ang sinumang matagpuan sa lansangan at kung saan man. 


Nang dumating na ang makapal na mga masa, napansin ng hari ang isa sa mga ito na hindi nakabihis simbahan. Nagalit ang hari. Pinagapos nito ang hindi nakabihis na panauhin, itinaboy sa labas at pinagsabihan ng kung ano ang mali sa kanyang ginawa. Sa huli, sinabi ng Panginoon, “Napakaraming iniimbitahan ngunit iilan lang ang hinihirang.”


Tila apat ang elemento ng “Kaharian ng Diyos”, ayon sa talinghagang ginamit ni Hesus. Ang una ay ang hari, pangalawa, ang handaan, pangatlo ang paanyaya at pang-apat ang mga inanyayahan. Ang hari ay ang Diyos. Ang handaan ay ang mga biyayang ipinagkakaloob ng Diyos. Ang paanyaya ay ang tuwirang pagpansin ng Diyos sa bawat tao. Ang taong inanyayahan ay ang mga nais ng Diyos na makasama Niya sa Kanyang kaharian.


Sa unang paanyaya, walang pumansin sa Diyos at sa halip pinagtabuyan at pinatay pa ang ilan sa tauhan ng hari. Sa inis ng hari, muli niyang pinalabas ang kanyang mga tauhan at pinaanyayahan kung sinu-sino na lang. Kaya’t ang daming dumating sa handaan. Subalit ang karamihan ay hindi talaga alam kung ano ang tunay na kahulugan at kahalagahan ng handaan. Basta’t may kanya-kanyang dahilan o intension ang bawat dumalo sa handaan. Ang ilan ay iniisip ang pagkaing masarap. Ang ilan naman ay mga miron na naghahanap ng bagong mapag-uusapan, ika nga’y bagong “marites.” Ang pangatlo ay ang mga walang ginagawa o walang magawa na madaling kaladkarin sa anuman at saan man. Malinaw na maraming hindi talaga alam kung ano ang kahulugan at kahalagahan ng handaan. Sinasagisag ng lalaking hindi nakabihis panghandaan ang lahat ng hindi handa, hindi malinis, hindi nakauunawa ang isip at kalooban. ‘Ika nga’y napakaraming nasa handaan na “wala lang,” basta’t nasa handaan sila at hindi mahalaga kung bakit naroroon sila.


Sayang ang handaan, sayang ang paanyaya, sayang ang kaharian ng Diyos dahil marumi, hindi handa, hindi bukas at hindi nakikinig ang kalooban ng maraming dumalo sa handaan.


Noong nakaraang araw, inilipat ng Presidente ang pagdiriwang ng pista ng pagkamatay ni Benigno “Ninoy” Aquino, Jr., mula ika-21 ng Agosto, Miyerkules, ginawang ika-23 ng Agosto, Biyernes, ang Ninoy Aquino Day. Ang dahilan ng Pangulo ay upang magkaroon ng mas mahaba pang weekend. 


Parang maganda naman ang dahilan ng Presidente at tila nagbibigay siya ng libreng panahon para sa mahabang handaan, sosyalan, pasyalan at pagdiriwang ng lahat ng mamamayan. Ganoon nga ang nangyayari dahil sa halip na tatlong araw lang ang long weekend ay naging apat na araw, mula Agosto 23 (Ninoy Aquino Day) hanggang Agosto 26 (National Heroes Day). 


Subalit hindi natuwa ang maraming nakauunawa at naranasan mismo ang panahon na pinatay si Ninoy (Agosto 21, 1983). Isang napakahalagang panahon nito dahil araw iyon ng pag-alay ng buhay ng isang itinuturing na bayani tulad ni Jose Rizal. Hindi maaaring tawaran ang kabayanihan ni Ninoy. At ang pinakamaliit na inaasahan sa atin ay pahalagahan ang mismong araw ng kanyang pagiging martyr.


Ano ang epekto ng paglipat ng araw ni Ninoy ng Agosto 21 na ginawang Agosto 23? Malinaw na hayagang pagbabalewala sa kahalagahan, hindi lang ng naturang araw kundi ang mismong kabayanihan ni Ninoy Aquino. Walang pagkakaiba ang hindi pagkilala sa ika-25 ng Pebrero bilang mahalagang kapistahan. 


Napakalinaw na sa kasong ito, nabaliktad ang istorya tungkol sa kaharian ng Diyos. Ang tunay na Diyos ang nag-aanyaya sa talinghaga ng kaharian ng Diyos ngunit sa pangyayari ng paglipat ng pista ng kamatayan at kabayanihan ni Ninoy, binabalewala at binubura pa ng hari ang mahalagang alaala ng araw na ito.


Kung merong mga walang malay, hindi nakikinig at hindi sumusunod na mga taong inaanyayahan ng hari sa isang malaki at mahalagang handaan, meron namang mga hindi mahusay, hindi totoo at masasabi pang mga hari-harian na panlilinlang, pananamantala at pagpapahirap lang ang nalalaman.


Kaya naman, huwag nating kalilimutan na sa ating kasaysayan mayroong isang pinatay, nag-alay ng kanyang buhay noong Agosto 21, 1983, mabuhay si Ninoy Aquino!






Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page