ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | January 21, 2022
Napakarami nang naiisip na paraan ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan kung paano makukumbinse ang marami nating kababayan na hanggang ngayon ay ayaw pa ring magpabakuna dahil tahasang sinasabi ng Department of Health (DOH) na isa sila sa mga sanhi ng hawaan ng COVID-19.
Lalo pa at tahasan nang inanunsiyo ng DOH na ang Omicron na ang dominanteng variant na nanalasa sa buong Metro Manila at mga kalapit lalawigan na nagdudulot na ng community transmission kaya dumami rin ang kaso ng pami-pamilyang sabay-sabay dinadala sa mga pagamutan.
Kaya santambak na “no vaccine” policy na ang inilabas, tulad ng “no vaccine, no entry”; “no vaccine, no work”; “no vaccine, no travel”; “no vaccine, no face-to-face classes” at napakarami pa na inilalatag na pawang may mabuting intensiyon, ngunit sa tingin ng iba ay matinding diskriminasyon.
Kahit sa usaping legal ay maraming butas ang ipinatutupad na iba’t ibang klase ng “no vaccine” policy, ngunit kahit pilipit ay sadyang ipinipilit para lamang maging matagumpay na maturukan ng bakuna ang marami nating kababayan sa paniwalang kalaunan ay makakamit natin ang herd immunity.
Kaya nga lahat na yata ng klase ng panghihikayat ay naisip na ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, tulad na lamang ng pagbibigay ng grocery package, meron nag-aalok ng P2,000 para sa mga magpapaturok ng bakuna at ang pinakamatindi ay may nagpa-raffle pa ng house and lot para sa mga nagpabakuna na.
May ilang lokal na pamahalaan naman na mas gustong bigyan ng insentibo ang mga kababayan nating nagpaturok na ng bakuna sa halip na alukin ng pakinabang ang mga ayaw magpabakuna upang mas marami umano ang maingganyo na magpabakuna na.
Nauna rito ay nagbigay-babala ang pamahalaan na magkakaroon nang paghihigpit laban sa mga hindi pa nababakunahan, ngunit tila hindi epektibo kaya heto na naman tayo sa panibagong estilo para maging epektibo na maturukan ng bakuna ang marami nating kababayan.
Nitong Lunes ay sinimulan nang ipatupad ang no vaccine, no ride policy ng Department of Transportation (DOTr) na sa unang tingin ay malaking hakbang para maengganyong magpabakuna na ang mga hindi pa nagpapabakuna.
Ngunit sa halip na maging matagumpay ay inulan ito ng kontrabersiya at naglabasan ang mga komplikasyon, tulad ng masyadong nadiin ang mga driver at operator sa sitwasyon sakaling magsakay sila ng pasaherong hindi pa bakunado.
Posibleng masuspinde pa ang prangkisa ng mga pampasaherong sasakyan na lalabag sa Article I, Section J ng Joint Administrative Order No. 2014-01 na may multang magsisimula sa P1,000 hanggang P10,000 na inilabas ng DOTr dahil sa pagsasakay ng mga pasaway na pasahero.
Maging ang Department of Labor and Employment (DOLE) ay pumalag sa ipinatutupad ng DOTr dahil hindi umano dapat abalahin ang mga manggagawang papasok sa trabaho kahit hindi bakunado dahil may umiiral umanong exemption, lalo na kung essential ang sadya sa paglabas ng bahay.
Maliwanag na hindi pinag-aralan ang pagpapatupad ng mga bagong polisiya na dapat nagsagawa muna ng pagpupulong ang mga apektadong ahensiya ng pamahalaan bago ito ipinatupad para hindi nagbabanggan ang magkakaiba nilang panuntunan.
Ang hirap dahil hikayat tayo nang hikayat sa ating mga kababayan na magpabakuna pero mismong ang ating sistema ay hindi maayos tulad na lamang ng national database ng mga nabakunahan na at maging ang paiba-ibang disenyo ng vaccine card.
Maraming insidente na magbibiyahe abroad ang ating kababayan at isa sa pangunahing kailangan ay ang clearance to travel na makukumpleto lamang ng indibidwal kung siya ay naturukan na ng bakuna, ngunit pagtingin sa national database ay wala roon ang pangalan gayung bakunado na at may booster shot pa.
Dahil wala nga sa database ay may mga pagkakataong kinailangan pang bumalik ng probinsiya ng ilan nating kababayan para lamang kumuha ng kompirmasyon na sila ay naturukan nga ng bakuna dahil kailangang-kailangan sa pagsakay ng eroplano ang vaccine certificate.
May insidente rin na ang isa nating kababayan na galing sa probinsiya ay umiiyak dahil ayaw siyang pasakayin dahil kakaiba ang hitsura ng ipinapakita niyang vaccine card na orihinal naman, ngunit hindi pinaniniwalaan ng sumita dahil bago sa kanyang paningin.
Ibig sabihin, sandamakmak na problema pa talaga ang kinakaharap nang pagpapatupad ng mga polisiya laban sa mga hindi pa nagpapabakuna na dapat unang-unang isinasaayos ay ang mismong national database na lubhang kailangang-kailangan.
Noong isang araw ay may isang babae na nahuling nagbebenta ng pekeng vaccine card at inamin nitong galing ito sa Recto, Manila, pero wala kahit isa ang nahuling gumagamit ng pekeng vaccine card dahil wala namang pagbabasehan dahil hindi pa ayos ang database.
Dapat maging ang mga hindi puwedeng bakunahan ay may card din na inisyu ng DOH o ng IATF para maiwasan na ang pagpapakita pa ng sangkatutak na papeles at tulad ng naglipanang pekeng exemption certificate na ang biktima ay mismong mga enforcer.
Maging ang mga enforcers na tumitingin sa mga kababayan nating nagpapakita ng vaccine card ay umaarte lang na alam nilang orihinal ang kanilang pinalulusot pero ang totoo, hindi rin sila sigurado!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments