ni Eli San Miguel - Trainee @News | October 20, 2023
Aprubado at ipapatupad na ang pagkakaroon ng tumutunog na traffic signal at labeled push buttons para sa mga pedestrian sa Maynila, ayon sa Manila City Council noong Huwebes, Oktubre 19.
Ang ordinansa ay inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa noong Oktubre 12, at iminamandato ang paglalagay ng mga tumutunog na traffic signal at labeled push buttons sa mga pedestrian traffic lights sa lungsod.
“These safety devices are commonly used in highly urbanized cities to assist pedestrians with disabilities while crossing lively streets and busy roads," ayon kay First District Councilor Erick Ian "Banzai" O. Nieva na may-akda ng hakbang na ito.
Layunin nitong matulungan ang mga matatanda, buntis at persons with disabilities (PWD) na gumagamit ng signal-controlled na mga tawiran sa lungsod.
Ayon sa ordinansa, nagbibigay ang tumutunog na traffic signal ng impormasyon sa mga may problema sa paningin hinggil sa lokasyon ng mga pedestrian light signal.
Ang control-section ay nagbibigay ng gabay sa isang tao sa pagtawid sa pamamagitan ng sabayang pagtunog mula sa mga speakers na inilalagay sa magkabilang dulo ng pedestrian lane.
Sa kabilang dako, ina-activate ng push button ang countdown timer, na magbibigay ng sapat na oras sa mga tao na tawirin ang pedestrian lane.
Paparusahan ng ordinansa ang sinumang mahuhuling nananamantala sa mga tumutunog at push button-equipped signals.
“The ordinance is in line with the city government’s mantra 'Dito sa Maynila, walang iniiwan, lahat kasama, lahat mahalaga,'” pahayag ni Nieva.
Commentaires