top of page
Search
BULGAR

Tumangging sumaklolo sa biktima.. Doktor, ‘wanted’ sa Salilig-hazing

ni Mylene Alfonso | March 21, 2023



Hiniling ni Senador Francis Tolentino sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang doktor na umano’y tumanggi na magbigay ng medical assistance kay John Matthew Salilig na hinihinalang biktima ng hazing.

Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Tolentino na batay sa affidavit ng isa sa limang suspek sa kasong Salilig na boluntaryong sumuko sa NBI na si Ralph Benjamin Tan alyas Scottie, tumanggi ang doktor na tulungan si Salilig.

“Nu’ng araw po na ‘yon, nu’ng alas nueve ng gabi, ‘yung [kasama in Salilig na si] Lee ay sinundo ng kanyang pinsan na isa ring doktor. Buhay pa po nito si Matthew subalit tinanong ni Ralph Benjamin Tan si Lee kung pwede tumulong ‘yung kanyang pinsan na doktor para asistihan si Matthew. Ang sabi po ng doktor hindi puwede,” pahayag ni Tolentino.

“Inimbestigahan po natin ito, kung sino itong doktor na ito na tumanggi sumaklolo at magbigay ng medical assistance? Kaharap na niya ang naghihingalong si Matthew.


Palagay ko po sa NBI dapat malaman natin kung sino ang doktor na ito. Ito po ay lisensyado ng [Professional Regulatory Commission], ito po ay medical practitioner.


Wala po akong alam na doktor na hindi nagbibigay ng tulong sa nangangailangan pero ito kaharap niya na oh, ayaw niya,” usisa pa ni Tolentino.

Sinabi ni NBI agent Joseph Martinez, na kumuha ng salaysay ni Tan, sinusubukan pa nilang kilalanin ang doktor.

“We are already trying to identify the person involved, the doctor. Apparently, si Ralph Benjamin Tan, he cannot identify kung sino talaga ‘yung doktor. So, we are trying to pursue other information kung sa’n po namin ma-identify ‘yung doktor,” ani Martinez.

Kaugnay nito, inirekomenda ni Tolentino sa NBI na mag-imbestiga sa pamamagitan ni Lee.

Gayunman, sinabi ni Martinez na wala sa kanilang kustodiya si Lee.

Bagama’t nangako ang NBI agent ng karagdagang aksyon sa usapin, sinabi pa rin ni Tolentino na dapat kasuhan ang doktor dahil sa paglabag sa Hippocratic Oath.

Nabatid na tinapos ng Senate Justice and Human Rights panel ang imbestigasyon kaugnay sa pagkamatay ni Salilig pagkatapos ng dalawang pagdinig.

Matatandaang sa unang pagdinig, nabunyag na nagpasya ang mga miyembro ng Tau Gamma na huwag dalhin si Salilig sa ospital matapos niyang magkaroon ng seizure sa welcome rites ng fraternity.


0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page