top of page
Search
  • BULGAR

Tuluyan nang na-fall… MAG-BFF, SWAK SA ASTRO-NUMEROLOGY KAYA SURE NA MAGKAKATULUYAN

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Numero | August 8, 2024


Dear Maestro, 


May crush akong lalaki na tawagin na lang natin sa pangalang James. Sa ngayon, magkaibigan lang kami, at hindi niya pa ako nililigawan. 


Gusto ko sanang malaman kung darating kaya ang araw o panahon na liligawan niya rin ako? Maestro, may chance rin kaya kaming magkatuluyan balang araw? 


Ang birthday ko ay June 9, 2001, habang October 15, 1999 naman si James.


Umaasa,

Eri Ka ng Karuhatan, Valenzuela City



 

Dear Eri Ka, 


Ang zodiac sign mong Gemini at Libra naman ang sinasabi mong lalaking lihim mong crush ay nagkataong tugma at compatible. Nangyaring ganu’n, dahil ayon sa Western Astrology kapwa kayo nagtataglay ng elementong air or hangin. Ibig sabihin, tugma at suwetung-suweto kayo sa isa’t isa, kaya anumang araw mula ngayon, posible na ang inyong pagkakaibigan tulad ng isang marikit na bulaklak na kalilitaw pa lamang sa sangay ay unti-unti na ring lumago at mamukadkad hanggang sa mauwi sa isang lehitimo at nakakakilig na suyuan.


Samantala sa aspetong pang-Numerology, ang birth date mong  9 at 15 o 6 (1+5=6) naman sa lalaking lihim mong crush ay nagpapatunay na kung ang impluwensiya ng mga numero ang tatanungin o pagbabatayan, kung paanong tugma kayo sa Astrology tulad ng nasabi na tugma at compatible rin kayo, dahil ang numerong 9 at 6 ay parehong under sa tinatawag na “series of 3-6-9”.


Lumilinaw na kung ganu’n, habang umuusad ang panahon, hindi na nga maiiwasang mahulog ang loob n’yo sa isa’t isa. Hanggang ang nasabing matamis at matimyas na ugnayan ay tuluyan na ring mabuo bilang isang wagas at masarap na pagmamahalan na tinatayang mangyayari at magaganap sa taon ding ito ng 2024. 


Ibig sabihin, kung wala namang girlfriend ang lalaking lihim mong crush at wala ka rin namang boyfriend sa ngayon, tiyak ang magaganap, darating at darating ang saktong panahon na kayo na nga ang magiging magkasintahan, at ito ay tinatayang magaganap sa buwan ng Setyembre o Oktubre. Malaki rin ang tendency na magkatuluyan at magsalo kayo sa isang matimyas at wagas na pagmamahalan habambuhay.



Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page