top of page
Search
BULGAR

Tuluy-tuloy na pagtaas ng pondo para sa SUCs, laking tulong sa mahihirap na mag-aaral

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | February 18, 2023


Mula nang tayo ay maging public servant, marami sa mga sinimulan ng ating yumaong ama ang ating ipinagpatuloy. Nangunguna sa mga ito ang mga repormang pang-edukasyon. Napakalaki ng pagpapahalaga natin sa aspetong ito dahil naniniwala tayo na isa ang edukasyon sa mga natatanging paraan upang maiahon mula sa kahirapan ang ating mga kababayan.


Kung matatandaan natin, isa tayo sa mga nagsulong na maisabatas ang libreng tuition para sa mga estudyante ng state universities and colleges (SUCs) sa bansa. At ito ang dahilan kaya ngayon ay marami na sa ating mga anak ang nakapagpatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo.


At mula noong taong 2020, taun-taon na nating itinataas sa Senado ang pondo para sa mga SUC.


Katunayan, nasa third straight year na ang increased budget para sa 117 state universities and colleges sa bansa, para naman masiguradong masusuportahan ang mga pangangailangan nila sa pagsusulong ng dekalidad na edukasyon.


Bilang chairman ng Senate committee on finance, tiniyak natin na ngayong taon ay mapondohan ang P13.7 billion increase ng SUC budget o ang kabuuang budget nito na P107-B, mula sa P93.3-B original proposed budget na isinumite ng Malacanang sa kanilang 2023 National Expenditure Program or NEP.


Isinaalang-alang ng Senado sa pangunguna ng ating komite ang mahahalagang pangangailangan ng SUCs sa kanilang pagsusulong ng mga research, innovation, at strategic foresight programs. At upang masustina ito, pinaglaanan natin sila ng tig-P5-M mula sa kabuuang pondo. Malaking bahagi rin ng buong budget ang mapupunta sa SUC colleges of medicine and nursing at iba pang kursong may kinalaman sa medisina at kalusugan.


At bago natin makalimutan, pasasalamatan din natin ang ating vice chair sa finance committee na si Senator Pia Cayetano. Naisakatuparan ang increased budget for SUCs dahil na rin sa kanyang pakikiisa at lahat ng miyembro ng ating komite. Kilala rin po si Senator Pia bilang isang education at health advocate.


Iuulat ko rin na sa ilalim ng ating panunungkulan bilang finance chair sa Senado, sunud-sunod nating naisulong ang pagpapataas ng SUC budget. Mula sa P73.7 bilyon noong 2020, tumaas ito sa P85.9-B noong 2021, at naging P104.17-B noong nakaraang taon (2022).


At ngayon, sa ilalim ng 2023 national budget, suportado rin ang programang nilalaman ng RA 10931 o ang Universal Access to Quality Education (UAQTE) Law na nagpapatupad ng libreng college tuition, kung saan isa tayo sa mga awtor. Sa ilalim ng Commission on Higher Education o CHED, may inilaang P27.1-B para sa UAQTE, kung saan P1.6-B nito ay para sa pagpapatupad ng Tulong Dunong program. Sa SUCs naman, kabuuang P18.8-B ang inilaang budget para sa implementasyon ng UAQTE, habang P3.4-B naman ang alokasyong inilaan para sa Technical Education and Skills Development Authority o TESDA.


Gusto lang nating ipaalala sa mga magulang at mag-aaral – libre ang mag-aral ng kolehiyo sa mga state universities and colleges. Sa kasalukuyan, mayroon tayong 112 SUCs, 78 Local Universities and Colleges o LUCs at sa lahat ng government-run techvoc schools sa iba’t ibang panig ng bansa.


Libre ang tuition sa mga paaralang ito, kaya may kakayahan na makapag-kolehiyo ang ating mahihirap na kababayan. Huwag nating palampasin ang pagkakataong ganito.


Para naman sa pagpapatupad ng Student Financial Assistance Programs ng CHED ngayong taon, mayroon itong P1.5 bilyong pondo sa ilalim ng 2023 national budget, habang P200 milyon naman para sa Private Education Student Financial Assistance Program. Ang mga programang ito po ay para sa mahihirap na mag-aaral na pumapasok sa mga pribadong paaralan dahil sa angking talino, talento at galing sa mga asignatura.


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page