ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | July 30, 2022
Kaisa tayo sa pagsuporta sa mga prayoridad ng bagong administrasyon. Kaya sumabak nang muli sa trabaho sa Senado ang inyong Kuya Bong Go sa pagsisimula ng 19th Congress. Taglay natin ang panibagong sigla dahil ‘eto na naman tayo sa tungkulin at pangako na makalikha ng mga batas para sa patuloy na pag-angat ng kalagayan ng mga kapwa natin Pilipino at pagkakaloob ng mas komportableng buhay.
Muli tayong binigyan ng oportunidad bilang Chair ng Senate Committee on Health. Nagpapasalamat tayo sa tiwala na pamunuan ang komite, lalo ngayong marami pa rin tayong kinahaharap na krisis pangkalusugan. Maipagpapatuloy natin ang mga ginagawa sa nakalipas na tatlong taon, lalo na nitong pumutok ang pandemya, partikular ang pagpapalakas sa ating healthcare system.
Sa pagbubukas pa lang ng 19th Congress ay agad na nating isinumite ang mga prayoridad na panukalang batas, kabilang ang pagtatayo ng Center for Disease Control and Prevention at ng Virology Science and Technology Institute of the Philippines. Patuloy ang pagtatayo ng mga Super Health Centers sa mga malalayong komunidad sa buong bansa para hindi na kailangang bumiyahe ng mga pasyente sa malalaking lungsod.
At tulad nang nabanggit ng Pangulo, maraming kinahaharap na hamon ang ating bansa. Bilang bahagi ng mayorya sa Senado, maaasahan ng ating kapwa senador ang suporta para masolusyunan ang mga problema ng ating bansa at kaisa para maisakatuparan ang mga programa at proyekto ng bagong administrasyon.
Bilang Chair ng Senate Committee on Health, suportado natin ang desisyon ng DOH na payagan ang second booster para sa mga edad 50 pataas at 18 hanggang 49 na may comorbidities. Mas malaki ang tsansa natin ngayon na tuluyang makontina ang pandemya kung mas maraming Pilipino ang mababakunahan. Kaya ang apela ko sa lahat nating kababayang kuwalipikado sa bakuna, samantalahin ang vaccine rollout para mas protektado laban sa virus.
Nalungkot at nabagbag ang ating kalooban dahil sa naganap na lindol sa hilagang Luzon, lalo na sa lalawigan ng Abra, nitong Miyerkules, Hulyo 27. Ang unang pumasok sa ating isipan ay sana’y walang nasaktan sa ating mga kababayan.
Tiwala tayo na palaging handa ang pamahalaan para matulungang makabangon agad ang mga kababayan nating naaapektuhan ng lindol. Handa rin tayong tumulong sa kahit anong kapasidad. Sa katunayan, ilang minuto matapos ang lindol ay agad nagplano ang ating tanggapan kung paano makapaghahatid ng tulong at mga pangunahing pangangailangan sa mga residente sa mga lugar na labis na napinsala at naapektuhan.
Ang pangyayaring ito ay paalala na kailangang mas pagtibayin pa lalo ang paghahanda para sa anumang krisis o trahedya. Kaya patuloy nating ipinaglalaban na maipasa ang panukala na magtatag ng Department of Disaster Resilience.
Kailangan natin ng departamento na ang pangunahing tungkulin ay hindi lang maghatid ng agarang tulong sa mga biktima ng sakuna at kalamidad, kundi maging ang pagtiyak sa mabilis na pagbangon at rehabilitasyon ng mga apektadong komunidad.
Ang mabilis na pagbabalik sa normal na sitwasyon ang isa sa pinakamahalagang magiging mandato ng itatatag na DDR.
Nananawagan din tayo sa ating mga kapwa mambabatas na ipasa ang isinumite nating Mandatory Evacuation Center bill na naglalayong magtayo ng evacuation center sa bawat lalawigan, siyudad at munisipalidad na ligtas at kumpleto sa bawat pangangailangan ng mga pansamantalang lilikas dito.
Hindi tayo titigil ipaglaban ang mga panukalang batas dahil pinakaimportante sa lahat ang buhay ng bawat Pilipino. Huwag nating hintayin na may iba pang sakuna o trahedya na mangyari. Umaksyon agad tayo para proteksyunan ang sambayanang Pilipino.
Samantala, sa kabila ng pagiging abala sa tungkulin, hindi tumitigil ang ating tanggapan sa paghahatid ng ayuda sa mga kababayan nating may kinahaharap na krisis bukod sa pandemya.
Agad nating sinaklolohan ang mga pamilyang biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog tulad ng 34 sa Bgy. Guadalupe, Cebu City; 23 sa Bgy. 183, Pasay City; at 11 pa sa Bgy. Basak at Pajo sa Lapu-Lapu City, Cebu.
Nagbigay-tulong din tayo sa mga kababayan nating higit na nangangailangan sa malalayong komunidad tulad ng 1,547 mahihirap na residente ng Moalboal, Cebu; 561 sa Enrile, Cagayan; at 337 pa sa Siniloan, Laguna.
Hindi rin natin kinaligtaan ang mamahagi ng suporta sa 2,200 benepisaryo mula sa Manay, Davao Oriental na personal nating binisita; mga miyembro ng iba’t ibang sektor tulad ng 1,200 benepisaryo mula sa Banaybanay; at 1,100 pa sa Lupon, sa probinsya pa rin ng Davao Oriental. Napagaan din natin ang dalahin ng 216 benepisaryo mula sa Dupax del Sur, Nueva Vizcaya.
Muli nating binisita ang Island Garden City of Samal sa Davao del Norte para bigyan ng tulong ang 12 pamilyang biktima ng insidente noon sa Auring Village sa Bgy. Cawag.
Hindi talaga masasabi kung ano ang magaganap sa bawat araw. Kailangan ng panalangin, pagtutulungan at bayanihan para malampasan ang mga pagsubok na ating nararanasan.
Suportahan din natin ang panawagan ng pamahalaan na mas maging matatag, palaging handa at walang maiiwan habang unti-unti tayong bumabangon sa mga krisis bilang nagkakaisang sambayanang Pilipino.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Commentaires