top of page
Search

Tuloy tayo sa pagiging lingkod-bayan

BULGAR

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Feb. 3, 2025



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.

Ilang panahon tayong mawawala at pansamantalang hindi ninyo mababasa ang pitak na ito bilang bahagi ng ating pagsunod sa Commission on Elections (Comelec) sa patas at parehas na pangangampanya — kung saan kumakandidato tayo bilang senador.


Hindi lang naman ako, maging ang mga TV hosts, artista at mga kolumnista ay inaatasang tumigil muna sa kani-kanilang ginagawa upang hindi nila magamit ang kanilang impluwensya sa nalalapit na kampanya.


Mami-miss ko kayong lahat ngunit kailangan nating tumalima sa ipinatutupad na mga panuntunan hinggil sa kampanya at eleksyon. Gayunpaman, ang panahong ito ay ilalaan natin para mas personal na makalapit sa inyo, at tiyak na sa inyong tiwala at pagmamahal, muli niyo akong makakasama sa Senado.


Ang pansamantalang pagsasara ng sesyon ng Senado ang hudyat ng aking mas pinaigting na pakikipag-ugnayan sa ating mga kababayan. Higit pa tayong magiging abala sa pag-iikot sa iba’t ibang bahagi ng bansa, na mula noon ay lagi naman nating ginagawa hindi lamang sa panahon ng sakuna.


Hindi naman bago sa atin ang mga tulad nito lalo pa nga at tatlong dekada na tayo sa larangan ng serbisyo-publiko. Gaya ng dati, wala naman tayong sasabihin sa kampanya kundi ang pagsisikap natin para makapag-akda ng higit dalawang libong panukalang batas at resolusyon na pinakikinabangan at pakikinabangan pa ng ating mga kababayan.


Alam naman ng lahat kung paano natin itinaguyod ang mga senior citizens, ang ating mga manggagawa, mga mag-aaral at guro, mga kawani ng pamahalaan, mga bayaning OFWs at mga healthcare workers – patunay na hindi tayo basta nagbutas lang ng upuan sa Senado. Buong giting kong kayang ipagmalaki na seryoso akong nagtrabaho — at napakarami nating nagawa bukod pa sa mga natulungan natin at nabago na buhay.


Hindi lamang sa Anak Ng Teteng ako pansamantalang magpapaalam dahil kahapon ay ang Season 3 finale na rin ng “Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis” na nagtala naman ng mataas na rating. Labis na tinutukan kagabi, Pebrero 2, ang napakaganda at action-packed final episode. Ang inyong lingkod ang gumanap na si Police Major Bartolome Reynaldo o Tolome at si Beauty Gonzalez naman bilang Gloria. At marami nga ang nagpigil-hininga dahil sa mga eksenang naganap sa kasalang Tolome (Sen. Bong) at Gloria (Beauty) nang dumating ang panganib bago pa man nasabi ni Gloria ang “I do.” 


Hindi lang ang mga kasama ko sa “Walang Matigas” ang aking mami-miss kundi maging ang istorya ng buhay mag-asawa nina Tolome at Gloria na lalo pang pinaganda ng ginawang pagligtas ni Tolome kay Gloria na naging masaya rin ang wakas.


Ang tagumpay ng palabas ay resulta ng pinagsama-samang husay ng buong cast tulad nina Carmi Martin bilang Lucing, Jestoni Alarcon bilang Chief Gener Alberto, Liezel Lopez bilang Jacqueline “Jacq” Dela Torre, Niño Muhlach bilang Lieutenant Sylvester Salonga, Dennis Padilla bilang Police Major Vincent Policarpio, Maey Bautista bilang Candida, Raphael Landicho bilang Kiko, at Jeffrey Tam bilang Onofre “Bunso” Batumbakal.


Nagdagdag kulay din ang iba pang mga nakasama natin sa “Walang Matigas” na sina Jillian Ward na gumanap bilang Dra. Barbara Hidalgo, Gloria Diaz bilang si Nadia, Leo Martinez bilang Adonis, Sid Lucero bilang Jeffrey "Jepoy" Guzman, Jon Lucas bilang Homer, Jay Manalo bilang Pancho Blanco, Ryan Eigenmann bilang Rico, Faith Da Silva bilang Janice, Roxie Smith bilang Aira Dela Cruz, Long Mejia bilang Darak, Boss Toyo, Neil Ryan Sese, King Gutierrez bilang Arturo, at Joko Diaz bilang si Diego.


Sa lahat ng sumubaybay, nagmahal at tumangkilik hanggang sa season finale ng “Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis” na idinirek ni Direk Enzo Williams, ang aking taos-pusong pasasalamat, lalo na sa GMA Network na laging may mga magagandang proyekto para sa atin.


Sa nagdaang tatlong season ng “Walang Matigas”, dama pa rin natin ang pagmamahal sa atin ng mga kababayan, at batid nating marami sa ating mga tagasuporta na nais pa rin tayong nakikita bilang artista. Kung kaya kapag may pagkakataon ay hindi naman tayo tumitigil sa pag-aartista. Dahil kundi sa pag-aartista na minana pa natin sa ating ama ay wala tayo ngayon sa ating kinalalagyan.


Pero sa ating mga tagasubaybay, huwag kayong malungkot dahil ipinapangako ko na muli akong magbabalik pagkatapos ng eleksyon.


Sa atin namang mga tagahanga na nais pa rin tayong nakikitang nakikipagbakbakan sa pelikula, sisikapin nating mabigyan ng oras ang inyong pinakahihintay.


At higit sa lahat sa ating mga tagasuporta sa “Aksyon sa Tunay Na Buhay” ay makakadaupang palad naman ninyo ako sa darating na kampanya at makaaasa kayong tuloy pa rin ako -- lalo na sa aking pagiging lingkod-bayan.  


Tuloy tayo sa kandidatura bilang senador at nasa mga kamay ninyong lahat ang aking kapalaran — at naniniwala akong palagi naman ninyo akong sinusuportahan kaya ngayon pa lamang ay nagpapasalamat na ako sa inyong lahat.


Kita-kita uli tayo sa pagbabalik ko sa BULGAR sa column na Anak Ng Teteng, sa pagbabalik ko sa pelikula at telebisyon, higit sa lahat sa pagbabalik ko sa Senado. Mami-miss ko kayong lahat, mahal ko kayo! Huwag n’yo akong kalimutan, hanggang sa muli!

 

Anak Ng Teteng!


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page