top of page
Search
BULGAR

Tuloy pa rin ang Pasko kahit walang magarbo’t malalaking selebrasyon

ni Grace Poe - @Poesible | December 7, 2020



Hello, mga bes! Kumusta po kayo at ang inyong mga pamilya at mahal sa buhay ngayong araw?


Akalain mo, ganun-ganun lang, Disyembre na at magpa-Pasko na. Parang kailan lang, usung-uso pa ang Dalgona coffee at tinitimpla ng lahat sa mula ng quarantine. Ngayon, magdiriwang tayo ng pinakamahalaga at pinakamalaking okasyon na may ‘bagong normal’.


Ngayon pa lamang, nagpaplano na ang marami sa ating mga kababayan kung paano ipagdiriwang ang Pasko sa gitna ng panganib na dala ng coronavirus. Pinaaalalahanan ang lahat ng magsagawa ng ibayong pag-iingat. Huwag nating sayangin ang ilang buwang pagtitiis para makontrol ang paglaganap ng virus sa ating pamayanan. Kung maaaring limitahan ang pagdiriwang sa loob ng ating mga tahanan lamang at iwasan ang malakihang pagtitipon, gawin natin ito. Napakaraming kaso na ang nakita natin sa ibang bansa at dito rin sa atin ng mga reunion o party na nagdulot ng pagkalat ng coronavirus infection dahil sa asymptomatic carriers. Maging responsable tayo dahil hindi lamang sarili natin ang apektado kung hindi ang ating buong komunidad.


Tuloy pa rin ang Pasko kahit wala ang garbo ng malalaking selebrasyon. Kung may biyaya ang pandemyang ito, ito ay ang matanto ng bawat isa kung ano ang mahalaga sa buhay. Wala sa Christmas party ang saya ng okasyon kung hindi sa pagmamahalan at pagbibigayan, na maaari nating gawin sa loob ng ating mga tahanan.


◘◘◘


Ngayong araw, magsasagawa ng pagdinig ang Senate Committee on Public Services na ating pinamumunuan tungkol sa aplikasyon ng prangkisa ng telecommunications company sa ating bansa. Kabilang sa nakasalang para sa renewal ng prangkisa nito ang Dito Telecom na inaasahan ng lahat na maging third player sa telecom industry.


Kung matatandaan ninyo, nangako ang Dito Telecom na maghahatid ito ng minimum speed ng 27 mbps at maghahatid ng serbisyo sa mga lugar na wala o kulang ang internet sa ating bansa. Tatanungin natin sa nasabing kumpanya kung ano na ang update tungkol rito.


Lahat na ng puwedeng gawin ng Senado para mapabilis ang internet, ginawa na natin. Nagbigay-daan tayo para sa mapabilis ang pagbibigay ng mga permit sa pagtatayo ng cell towers at iba pang imprastruktura na kailangan para maisaayos ang serbisyo ng internet. Gayunman, tila hindi pa rin nararamdaman ng ating mga kababayan ang mga ipinangakong pag-ayos at pagbilis ng kanilang koneksiyon.


Nababahala tayo dahil tila hindi makahanap ng tuluy-tuloy na solusyon sa problema ng internet at signal ang ating telecom companies. Sa kabila ng pagkakatanggal ng maraming permit requirements sa pagtatayo ng cell towers sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act 2, hindi pa rin natin nakikita ang pagbilis ng serbisyong inaasahan natin.


Gusto nating magtagumpay ang lahat ng ating telecom companies sa paghahatid ng mabuting serbisyo sa ating mamamayan lalo pa ngayong panahon ng pandemya na lahat ay nakaasa sa serbisyo ng internet at cellphone para sa komunikasyon.


Gayunman, kailangang patunayan ng mga kumpanyang ito na karapat-dapat sila sa prangkisang ipinagkakaloob sa kanila. Ang bawat prangkisa ay prebilehiyo at hindi lamang basta-basta dapat ibigay. Tungkulin nating piliin ang pagkakalooban nito dahil kapakanan ng publiko ang nakasalalay rito.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page