top of page
Search
BULGAR

Tuloy ang tigil-pasada… Sigaw ng operator at tsuper: Abolish, hindi extension!

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | March 4, 2023



Kung nakakasugat lamang ang bawat salitang lumalabas sa bibig ng mga operator at tsuper, tiyak na gumagapang na sa hirap ang pamunuan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil tiyak na mata lang nila ang walang latay.


Ito ay dahil sa wala sa tiyempong hakbang ng LTFRB tungkol sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na mariing tinututulan ng mga operator at tsuper na humantong pa sa Senado, ngunit tulad ng dapat asahan ay wala ring kinahinatnan.


Maging si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ay inaming hindi naging maganda ang implementasyon ng Department of Transportation (DOTr) sa modernisasyon ng public utility vehicles kaya humantong ito sa kaguluhan.


Habang isinusulat ang artikulong ito, buo pa rin ang pasya ng transport group na ituloy ang tigil-pasada sa Lunes, Marso 6 hanggang 12 sa kabila ng pang-apat na extension tungkol sa modernisasyon na ibinigay ng LTFRB sa Disyembre 31, 2023.


Binanggit naman ni Pangulong Marcos na gumagawa naman umano ng hakbang ang gobyerno para hindi matuloy ang tigil-pasada sa Lunes at sisikapin umano nilang maisaayos ang lahat.


Ngunit matigas ang transport group na tanging ang pag-abolish lamang umano sa PUVMP ang makakapigil sa isasagawa nilang tigil-pasada at walang iba pang makakapigil kahit maapektuhan ang 11 milyong pasahero sa buong bansa.


Gayunman, buo pa rin ang pag-asa ni Pangulong Marcos na makukumbinsi ng pamahalaan ang transport group na huwag munang mag-strike dahil kawawa umano ang mahihirap na manggagawa na kung hindi magtatrabaho ay hindi makakakain.


Tiniyak pa ni Pangulong Marcos na hindi hahayaan ng gobyerno na maapektuhan ang publiko, kaya magpapatupad sila ng libreng sakay para makapasok sa trabaho ang mga tao at sana ay maunawaan umano ito ng transport group.


Sa patuloy na bangayan ay mas dumarami ang nagiging kakampi ng transport group kumpara sa LTFRB, lalo na sa panig ng mga pulitiko na bukod sa inaalala ang sitwasyon ng mga magugutom na operator at tsuper ay nag-aalala rin na hindi sila iboto ng mga pamilya ng transport group.


Dahil sa public opinion, maging ang Transportation Secretary na si Jaime Bautista ay inatasan ang LTFRB na humanap na lang umano ng paraan para mapadali ang requirements para sa PUVMP upang maasikaso ang pangangailangan ng lahat ng operator at tsuper.


Sinabi pa ni Sec. Bautista na ang DOTr umano ay nakipag-ugnayan na sa mga operator at tsuper upang mahimay at matalakay ang mga isyu tungkol sa modernisasyon ng jeepney.


Dahil sa paglagablab ng sitwasyon, nagpalabas na ng press release ang DOTr na nagsasabing handa umano silang magbigay at ipakikiusap pa sa LTFRB na mag-relax sa requirements para mapadali ang lahat sa operator at tsuper na makasunod sa programa. Nakasaad pa sa press release na nag-aalok umano sila ng pakikipag-usap sa mga operator at tsuper upang talakayin ang PUVMP para matulungan nila mismo ang mga ito at hindi na humantong sa kaguluhan. Nakapaloob din sa nasabing press release, na sa pamamagitan ng PUVMP, ang road transportation system sa bansa ay magbabago sa pamamagitan nang pagtugon sa vehicle safety and quality, route network efficiency, fleet management habang naglalaan sa mananakay ng modernong sasakyan na ligtas, komportable at maaasahan.


Ngunit tila sarado ang pandinig ng transport group at lalo umano silang nawalan ng pag-asa nang rebisahin ng LTFRB ang Memorandum Circular 2023-013 at ginawang Disyembre 31, 2023 imbes na Hunyo 30, 2023 ang deadline sa pagsanib sa kooperatiba o korporasyon upang hindi mapaso ang kanilang prangkisa.


Ayaw na ng transport group ng extension dahil mas gusto nilang tuluyan nang i-abolish ang PUVMP at ginagawa umano ng DOTr na tila pagkiling sa panig ng mga operator at tsuper ay maliwanag na pang-uuto lamang, ngunit sa huli ay gusto pa rin nilang ituloy ang PUVMP.


Sa madaling salita, bagsak ang negosasyon, tuloy ang tigil-pasada!


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page