top of page
Search
BULGAR

Tuloy ang serbisyo-publiko sa ating kababayan

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | July 13, 2024


Mr. 1-Rider ni Atty. Rodge Gutierrez

Pansamantala tayong magpapaalam sa ating panulat dahil malapit na ang filing ng candidacy at napakabigat ng panahong iniuukol sa paghahatid sa inyo ng mga bagong impormasyon gamit ang espasyo nating ito. Ngunit, hindi nangangahulugang sa paghinto muna natin sa pagsusulat ay titigil na rin ang ating serbisyo-publiko.


Dahil mananatiling aktibo pa rin tayo sa pagtulong, andiyan si Cong. Bonifacio Bosita na ating kapwa Representative sa 1-Rider Partylist na tuluy-tuloy pa rin ang pagresponde ng personal sa mga motorista na biktima ng pang-aabuso ng mga enforcer sa kalye.


Ang inyong lingkod ay abala naman sa iba pang suliranin ng ating mga kababayan na inilalapit sa tanggapan ng 1-Rider Partylist. Mami-miss ko kayong lahat ngunit napakarami ng ating dapat isaalang-alang bilang Representante ng 1-Rider Partylist, lalo pa at ilang tulog na lamang ay halalan na naman.


Buong puso rin ang ating pasasalamat sa pamunuan ng BULGAR na nagbigay sa atin ng pagkakataon upang makapagbahagi ng ating opinyon at makaaasa kayo na pansamantala lamang ang pagtigil natin sa pagsusulat dahil sa napakarami nating dapat na tugunan bilang congressman at isang abogado na nilalapitan din para sa mga payong legal ng mga kababayan.


Bukod sa usaping pulitika ay nais ko ring pagtuunan ng pansin ang aking kinabukasan dahil ayokong tumandang binata. Oo, hindi ninyo naitatanong ay binata pa rin ang inyong lingkod hanggang sa kasalukuyan at marahil ay panahon na para bigyan ko naman ng bahagyang atensyon ang aking sarili.


May kapatid din akong konsehal sa Legaspi City sa Albay si Konsehal Luis Gutierrez na kailangan din nating alalayan sa darating na eleksyon kaya ngayon pa lamang ay kailangan na ang ating presensiya para sa darating na halalan.


Pasensya na dahil mabigat talaga ang preparasyon ng isang kumakandidato at napakarami rin ng mga kababayan namin sa Albay na may iba-iba ring problema na inilalapit naman sa aking kapatid na si Konsehal Gutierrez na kailangan ding bigyang pansin.


Sabagay alam ko namang isa sa nangungunang konsehal sa Legaspi City ang aking kapatid at naniniwala akong mahal siya ng mga taga-roon, kaya sa mga taga-Albay, maraming salamat sa inyong lahat at sa inyong pagtitiwala — mahal na mahal namin kayong lahat.


Medyo maninibago ako sa araw-araw kong ginagawa na kailangan kong alamin ang problema — hindi lang ng ating mga ‘kagulong’ kundi ng lahat ng motorista sa bansa na napakaraming hinaing pagdating sa transportasyon, kabilang na ang suliranin ng ating mga jeepney operator at driver na nanganganib mawala sa lansangan dahil sa modernisasyon.


Pero sa mga jeepney driver huwag kayong mag-alala dahil sa pagsusulat lang tayo sandaling magpapahinga, pero hindi sa pagtulong at serbisyo dahil mananatili pa naman akong Representative ng 1-Rider Partylist.


Makaaasa kayo na nandito pa rin ako para ipaglaban ang karapatan ng ating mga rider — katuwang ko si Cong. Bosita na siya namang personal na tumutugon sa lahat ng sumbong at tuluy-tuloy pa rin ang 1-Rider Partylist.


Kaya sa ating mga tagasubaybay, mami-miss ko kayong lahat, pero pagkatapos ng halalan ay muli tayong magkakasama-sama para muling ihatid sa inyo ang mga kaganapan na may kaugnayan sa transportasyon at suliranin ng mga rider sa bansa.

Ito ang inyong lingkod Rep. Rodge Gutierrez, hanggang sa muli!


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page