top of page
Search
BULGAR

Tuloy ang pag-abot ng tulong kahit walang kalamidad

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | August 27, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.

Marami ang nagtatanong sa atin kung kailan tayo magtutungo sa kanilang lugar para mamahagi ng tulong at ang lagi nating pagtitiyak ay huwag silang mainip dahil siguradong maaabot natin sila.


Ito ay matapos nilang mabalitaan na patuloy pa rin tayo sa pagbibigay ng tulong sa iba’t ibang bahagi ng bansa at ang pinakahuli nating dinayo ay ang mga bayan ng Tiaong, Candelaria at Sariaya, na lahat ay nasa lalawigan ng Quezon.


Sa tulong ng aking staff sa Bayanihan Relief ay regular natin itong ginagawa na tila isang caravan sa maraming lugar sa bansa partikular sa mga naging biktima ng kalamidad na hanggang sa kasalukuyan ay nahihirapang umahon.


Sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ay inayudahan natin ang maraming mahihirap na lahat ay tumanggap ng pantawid-panggastos sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.  


Mahigit sa 6,000 katao ang nabiyayaan sa pagtungo natin sa naturang lugar at nakatakda pa tayong maglibot sa marami pang barangay na regular naman nating ginagawa may kalamidad man o wala.


Nakakatuwa na sa mga lugar na ating pinupuntahan ay hindi pa rin nawawala ang init ng pagsalubong sa atin ng marami nating kababayan na lalong nagbibigay sa atin ng inspirasyon sa pagpapatuloy ng ginagawa nating serbisyo-publiko.


Sa bawat yakap at halik na ipinagkakaloob ninyo sa akin ay mabilis na napapawi ang aking pagod at maraming salamat sa inyong lahat dahil hindi kayo nagbabago sa akin — kaya makaaasa kayong hinding-hindi rin ako magbabago.


Napakainit ng pagtanggap sa atin ng mga taga-Quezon. Hindi sila magkamayaw sa ating pagdating, nagsisigawan sila sa tuwa na parang sabik na sabik sa atin kaya naman lahat ay pinaunlakan nating makapagpakuha man lamang ng larawan kahit siksikan.


Isa rin ito sa nakatutuwa sa regular nating pag-iikot sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil sa tuwing maluwag ang ating schedule ay sinisikap nating mapuntahan ang mga lugar na naapektuhan ng mga kalamidad — tulad ng bagyo, lindol at iba pa.


Pero, kung wala namang nagdaang kalamidad ay umiikot pa rin tayo para puntahan ang iba pa nating kababayan na nangangailangan gaya nga ng ginawa natin sa lalawigan ng Quezon kung saan ang babait ng mga residente roon.


Hindi pa uso ang pamamahagi ng ayuda ay ginagawa na natin ito, kaya huwag mainip ang iba pa nating kababayan dahil isang araw ay bigla na lamang kaming darating sa inyong mga lugar para mamahagi ng tulong.


Wala naman akong ibang gusto pa sa buhay ko kundi ang mapasaya kayong lahat dahil kapag nakikita ko kayong masaya ay mas dobleng kasiyahan ang aking nararamdaman.


Isa rin ito sa paraan ko para makapagpasalamat sa Panginoon — ang kalingain ang mga kababayan kong mahihirap dahil hindi Niya ako pinababayaan at ang aking pamilya.


Mula bata pa ay biniyayaan na ako ng mapagmahal na magulang na silang nagtaguyod sa akin upang maging artista hanggang sa makilala ako at ngayon ay iniluklok pa ninyong senador kaya marapat lamang na bumawi ako dahil kung hindi sa inyong suporta ay wala ako ngayon sa aking kinalalagyan.


Kaya itong ginagawa kong pag-iikot sa tulong ng aking Bayanihan Relief (BR) ay lalo ko pang paiigtingin para lahat ay aking maabot at mabigyan ng ayuda kahit pa walang kalamidad.


Araw-araw ang aking mga staff sa Bayanihan Relief ay nag-iimpake ng mga relief goods sa panahong hindi kami nakakapag-ikot upang sakaling may dumating na kalamidad ay handa kami anumang oras na may mangailangan ng tulong -- ganyan lang umiikot ang aking buhay.


Kapag may pasok sa Senado ay maaga tayong dumadalo sa mga pagdinig at kung wala naman ay abala tayo sa pagtugon sa ating mga kababayan.


Kung may extra pa tayong oras ay doon lamang natin naisisingit ang paggawa ng palabas sa TV at iba pang showbiz activities dahil may obligasyon din tayo sa ating mga tagasubaybay bilang artista at para may maipamahagi naman tayong ayuda sa iba pa nating kababayan.


Ang pinakapahinga natin sa bahay ay ang paggawa ko ng mga panukalang batas para makatulong naman sa mga manggagawa tulad ng teacher at mga overseas Filipino workers (OFWs) upang madagdagan din ang kanilang mga benepisyo.


Tayo rin ang may-akda na hindi dapat palaging kumukuha ng bagong birth certificate ang sinumang mangangailangan nito — ibig sabihin kahit luma ay may bisa ang dokumentong ito.


Sa dinami-dami ng iniakda natin patungkol sa pakinabang na dapat makuha ng mga senior citizen ay nag-iisip pa tayo ngayon kung paano mapapalakas ang kanilang discount card dahil sa piling mga bayarin lamang ito gumagana, at karaniwan ay binabalewala pa sila ng ibang establisimyento na ayaw magbigay ng diskuwento.


Pangarap ko lang sa ngayon ay maisaayos ko lahat ng mga benepisyo at iba pang maaaring pakinabangan ng mga kababayan sa pamamagitan ng pagsusumite ng mga panukalang batas at sana ay huwag tayong magkaroon ng karamdaman para maisagawa natin ito.


Sa mga manggagawa sa showbiz industry ay hindi rin naman tayo nagpapabaya. Umiiral naman na ang Eddie Garcia Law na nagpalakas nang husto sa karapatan ng mga manggagawa sa showbiz, na atin ding tinutukan.


Marami-rami na rin naman ang iniakda nating batas na ngayon ay pinakikinabangan ng ating mga kababayan at marami pa ang nakasumite na kasalukuyan nating inilalaban ng pukpukan sa Senado. Naniniwala ako na tulad ng mga lumusot nating panukala ay magiging batas din ang mga ito sa tamang panahon.


Sana magkita-kita tayo ‘pag nagawi na ako sa inyong lugar.


Anak Ng Teteng!


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page