top of page
Search
BULGAR

Tuloy ang laban kontra korupsiyon

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | July 07, 2021



Nitong mga nakaraang araw, kabi-kabilang isyu laban sa gobyerno ang nagsilabasan. Bagama’t ikinalulungkot natin ang mga akusasyon ng katiwalian sa pamahalaan, nagpapasalamat tayo sa mga nais tumulong sa kampanya laban sa salot ng lipunan.


Nakita nating halos linggu-linggo, may pinapangalanan ang Pangulo na mga tiwali sa gobyerno. Halos linggu-linggo, meron siyang dini-dismiss. Halos linggu-linggo, merong suspendido na mga opisyal na napatunayang sangkot sa katiwalian. At halos, linggu-linggo, may nakakasuhan.


Kahit tumulong noong panahon ng kampanya, kahit kaibigan, kapag pumasok sa korupsiyon, siguradong sibak! Walang dapat sinasanto pagdating sa korupsiyon.


Ngunit hindi ito kayang solusyunan ng gobyerno lamang—dapat may kooperasyon ang mamamayan. Kung meron kayong nalalaman na mga anomalya, isumbong n’yo sa mga awtoridad, tulad ng Presidential Anti-Corruption Commission.


Para naman sa mga taong nag-iimbento ng mga kuwento, hindi uubra ang inyong bulok na estilo. Hindi n’yo maloloko ang taumbayan sa inyong recycled fake news. Hayaan na lang natin ang mga Pilipino ang humusga kung sino ang malinis na nagseserbisyo at kung sino ang marumi ang budhi na panay paninira lamang.


Hindi ito ang panahon ng siraan, panahon ito ng tulungan. Kung may sinseridad ang inyong hangarin na labanan ang korupsiyon, tulungan n’yo ang buong bansa na pangalanan, kasuhan at papanagutin ang mga nagkakasala.


Huwag na tayong magpaliguy-ligoy pa. Sa huling taon ng administrasyong ‘to, palakasin pa natin ang laban kontra korupsiyon, ilegal na droga at kriminalidad. Lahat tayo ay may importanteng papel sa labang ito upang mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang ating mga anak at ang mga susunod pang henerasyon.


Sa mga nais manira, hinding-hindi tayo uurong sa anumang akusasyon dahil malinis ang ating konsensiya, wala tayong ibang hangarin kundi ang magserbisyo sa kapwa Pilipino.


Mula noon hanggang ngayon at sa mga darating pang panahon, lalabanan natin ang mga anomalya sa gobyerno. Hinding-hindi natin sasayangin ang oportunidad na magserbisyo para lang sa negosyo. Palagi nating uunahin ang interes ng mga Pilipino. Makaaasa kayo sa pangako naming ito ng Pangulo hanggang sa matapos ang aming termino.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

留言


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page